ni Riza Zuniga
Pasig City — Taon-taon nang mahaba ang pila sa bayaran ng mga buwis sa unang kwarter ng taon sa bawat siyudad at munisipyo.
Inaasahan ang pagtatalo lalo na sa pagitan ng mga senior at mga mamamayan na ang hangad ay magbayad ng mga kaukulang buwis para sa taong 2023. Batid ng lahat na ang mga senior ay nagiging mainipin na gawa ng kanilang kondisyon at kalagayan ng kanilang kalusugan.
Tumagal nang higit sa tatlong oras ang pila kung kaya’t hindi maalis na mainip ang mga naroon. Hindi naman naipaliwanag agad sa taxpayers kung bakit may kabagalan ang pag-aasikaso sa mga mamamayang magbabayad ng buwis at kung ano naging problema sa system ng City Hall.
Sa panahong marami ang naghahangad magbayad ng business permit, cedula, marriage contract, at iba pang buwis, kinakailangan ang gabay at hindi pagtataas ng boses ng nakatalagang marshall sa pila.