MARSO 15 IDEKLARANG FRONTLINERS DAY

KUNG si presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang masusunod, dapat ideklara bilang ‘Frontliners Day’ ang Marso 15 bilang pagkilala sa mga makabagong bayani ng bansa na buong tapang na sinagupa ang panganib ng Covid19.

Kung matatandaan, Marso 15, 2020 nang unang ideklara ang kauna-unahang pinakamahigpit na ‘enhanced community quarantine’ (ECQ) sa Pilipinas dahil sa mabilis na pagkalat ng nakamamatay na coronavirus na sumalanta sa buong mundo.

Sinabi ng standard-bearer ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na kung siya ang masusunod, dapat ay magpatibay ng batas na kikilalanin bilang Frontliners Day ang petsang Marso 15.

“Maaaring maliit na bagay para sa iilan ang panukala nating ito pero napakalaking bagay po ito para sa ating mga frontliners at sa kanilang pamilya. At dapat kilalanin din natin ang mga nasawing frontliners sa gitna ng pandemya,” sabi pa ng running-mate ni vice-presidential bet Inday Sara Duterte.

Matatandaan na ng mga unang araw ng pandemya ay nabalot ng agam-agam at takot ang sambayanan at kahit ang pamahalaan ay nangangapa kung ano ang mga dapat gawin sa gitna ng pandaigdigang epidemya.

Salamat sa isinulong na Bayanihan to Heal as One Act ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso (March 24, 2020) na agad nilagdaan ng Pangulong Duterte ay nagkaroon ng direksyon at polisiya ang mga hakbang ng pamahalaan na kahit paano ay nakapawi sa pangamba ng taumbayan.

Nabigyan din ng ayuda ang mga mamamayan lalo’t higit ang mga nawalan ng trabaho o naapektuhan ang mga hanapbuhay.

Sa harap ng lahat ng mga pagsubok at panganib na dulot ng pandemya, hindi sumuko ang mga frontliners na kinabibilangan ng mga health at medical worker, mga law enforcer, barangay officials, ang mga empleyado ng grocery, palengke, bangko, delivery rider at maraming iba pa na itinuturing na ‘essential workers.’

“Kung hindi sa kanila baka lalo nang huminto ang pag-ikot ng ating mundo. Maraming salamat sa ating mga frontliners at panahon naman siguro para sila’y kilalanin ng ating pamahalaan dahil sa kanilang kabayanihan,” ani Marcos.