NAIS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na palawigin ng isang taon ang implementasyon ng Batas Militar sa rehiyon ng Mindanao.
Hiniling ito ng Pangulo sa Kongreso.
“One year and Mindanao,” ang text message ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Kapuwa inirekomenda ng militar at pulisya na palawigin ang Martial Law sa Mindanao.
Nauna nang idineklara ang Martial Law noong Mayo ng nakaraang taon nang salakayin ang Marawi City ng ISIS-inspired Maute terrorist group.
Nauna nang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Oscar Albayalde na nilagdaan nila ni outgoing Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Carlito Galvez ang dokumento na nakapaloob ang kanilang rekomendasyon para ma-extend pa ng isang taon ang umiiral na Martial Law sa Mindanao.
Sinabi ni Albayalde na nagkaroon ng malaking improvement lalo na sa kapayapaan at kaayusan sa naturang rehiyon na napatunayan sa pagbaba ng crime volume sa tinatayang 28,853 o 32.8 porsiyento.
Ito ay dahil sa presensiya ng mga pulis at sundalo na mahigpit na ipinapatupad ang “target hardening measures” gaya ng military at police operations at checkpoint operations.
Naitala rin ng PNP na bumaba ng 44.2 porsiyento ang index crime gaya ng murder, physical injuries at homicide cases sa buong Mindanao habang nakakumpiska ng 10,000 loose firearms.
May dalawang batalyon ng Special Action Force troopers ang tumutulong sa AFP para panatilihin ang peace and order sa Mindanao.
Nilinaw naman ng PNP na hindi nila inirekomenda ang nationwide martial Law.
Isa sa mga naging basehan ng militar para palawigin pa ng isang taon ang batas militar ay dahil sa mga reklamo ng mga sibilyan at presensiya ng mga terorista mula Middle East, Indonesia at Malaysia.
Comments are closed.