HANDA na para sa international stage si Carl Jammes Martin.
Napanatili ng tinaguriang ‘Wonderboy’ ng Philippine boxing ang malinis na ring record at sa edad na 22 ay isa nang ganap na kampeon matapos gapiin ang beteranong karibal na si Mark Anthony Geraldo via 12-round unanimous decision at agawin ang Philippine Superbantamweight title Sabado ng gabi sa Elorde Sports Center sa Sucat, Paranaque.
Matikas ang simula ng pambato ng Hingyon, Ifugao sa nakaririnding konekta sa katawan ni Geraldo, kampeon sa naturang dibisyon sa mahabang panahon. Maliban sa ikalimang round na nakatama si Geraldo, naidepensa ang korona via TKO sa huling apat na pagkakataon, dominante ni Martin ang kabuuan ng laban.
“Dati kasi kapag kalagitnaan ng laban medyo mabigat na paa ko. Ngayon nagulat ako kasi ang gaan at bilis ng paa ko kaya maganda talaga epekto ng strength and conditioning sa akin,” pahayag ni Martin.
Iginiit ni Martin na malaki ang naitulong sa kanyang paghahanda ng trainer na si Mel Lantin, Physical Education graduate sa University of the Philippines at Program Director for Physical Development ng Basketball Coaches Association of the Philippines (BCAP).
Napatatag ni Martin ang marka sa 19-0, kabilang ang 15 knockouts, habang natamo ni Geraldo, tanging fighter na nakatalo kay IBF world superflyweight champion Jerwin Ancajas, ang ikatlong kabiguan sa matikas na boxing career at 50 laban.
Sa main event ng boxing promotion na sanctioned ng Games and Amusements Board (GAB), napatatag ni Olympian Charly Suarez ang kampanya na makasikwat ng championship match nang gapiin ang dating walang talong si superfeatherweight Delmar Pello.
Target ni Suarez na mapalaban sa regional championship sa March 2022 sa boxing card ng VSP Boxing, sa pakikipagtambalan ng Ultimate Knockout Challenge ni Cucuy Elorde. EDWIN ROLLON