MAS AGRESIBONG PAGBABALIK SA FACE-TO-FACE CLASSES ISINUSULONG

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang mas agresibong pagpapalawig ng limited face-to-face classes upang simulan ang pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pinsalang dulot ng pandemya.

Nakatakdang palawigin ng Department of Education (DepEd) ang expansion phase ng limited face-to-face classes sa darating na Enero.

Sa isang pagdinig sa Senado, binigyang diin ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture na ang 268 mga paaralang lumahok sa limited face-to-face classes ay wala pang isang (0.44%) porsiyento ng mahigit animnapung libong (60,677) mga paaralan sa buong bansa. Ayon sa pinakahuling datos ng DepEd, may mahigit 287 mga paaralang lumahok sa limited face-to-face classes.

Dagdag pa ng senador, ang mahigit dalawampu’t tatlong libong (23,104) mga mag-aaral na lumahok sa limited face-to-face classes ay wala pang isang (0.08%) porsiyento ng mahigit dalawampu’t pitong (27.4) milyong mga mag-aaral na nag-enroll sa School Year 2021-2022. Para kay Gatchalian, dapat magtakda ang DepEd ng tiyak na porsiyento ng mga mag-aaral at mga paaralang lalahok sa face-to-face classes.

“Kung ang direksyon sa susunod na phase ay mag-expand o magpalawig, baka maaari nating maabot ang 10% ng mga paaralan o 10% ng mga mag-aaral at unti-unting magbukas. Sa ngayon kasi kakaunti lamang ang ating naaabot, malayong malayo pa tayo,” ani Gatchalian.

“Ilan sa mga pinakamalaking hamon sa atin ay yung inequality pagdating sa literacy at access sa mga gadgets dahil iyong mga mag-aaral na may gadgets ay mas natututo kung ihahambing sa mga walang magamit. Kung ipagpapaliban pa natin ang pagbabalik-paaralan, lalong lalawak ang inequality,” dagdag na pahayag ng senador.

Matapos ang apat na linggo ng dry run ng limited face-to-face classes, walang mag-aaral o guro na lumahok sa limited face-to-face classes ang nagkaroon ng COVID-19. Para kay Gatchalian, ipinapakita nito na posible ang ligtas at unti-unting pagbubukas ng mga paaralan kung mahigpit na ipapatupad ang mga public health protocols.

Binigyang diin ni Gatchalian na hindi na dapat hayaan ng pamahalaan na umabot sa dalawang taon ang kawalan ng face-to-face classes, lalo na’t may pinsalang idudulot ito sa ekonomiya. Tinataya ng National Economic and Development Authority (NEDA) na labing-isang (11) trilyong piso ang magiging katumbas ng productivity losses sa susunod na apatnapung (40) taon dahil sa mahigit isang taong walang face-to-face classes.

Ipinanukala rin ni Gatchalian na matapos ang isa o dalawang buwang pagtiyak sa kumpiyansa ng publiko, maaaring gumamit ang DepEd ng self-assessment mechanism sa pagbubukas ng mga paaralan.

Sa ilalim ng naturang sistema, ang mga pribado at pampublikong paaralan na makakasunod sa minimum requirements ay pahihintulutan nang magsagawa ng face-to-face classes. Ayon sa senador, hindi na kakailanganin sa prosesong ito ang pag-apruba ng lokal na pamahalaan sa pakikilahok ng bawat paaralan sa limited face-to-face classes, kaya naman mabubuksan nito ang mas maraming mga paaralan. VICKY CERVALES