NAGLAAN ang lokal na pamahalaan ng Parañaque ng halagang P100 milyon para sa pag-angkat ng Bivalent COVID-19 vaccines na higit na mas epektibo laban sa Omicron XBB subvariant at XBC variant.
Kaugnay nito, inatasan ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez si City Treasurer Dr. Anthony Pulmano na ihanda ang kaukulang pondo para sa pagbili ng lokal na pamahalaan ng new generation vaccine sa unang bahagi ng susunod na taon.
Sinabi ni Olivarez na ang bivalent o “updated” COVID-19 vaccine ay nagtataglay ng mas mainam na proteksyon laban sa Omicron XBB subvariant at XBC variant na kamakailan lamang ay nadiskubre ng Department of Health (DOH) sa bansa.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng kani-kanilang orders ang mga highly developed na bansa ng nasabing vaccines dahil napatunayan na nito ang pagkaepektibo ng bakuna sa pagpigil ng muling pagkakahawa sa COVID-19 ng mga bakunado nang indibidwal na ibinase sa kanilang clinical trials.
Bilang isang registered nurse ay sinabi ni Olivarez na ang Pfizer-BioNTech COVID-19 vaccine na Bivalent ay awtorisadong gamitin partikular sa Estados Unidos bilang single booster dose sa mga indibidwal na nasa edad 12 taong gulang pataas.
Dagdag pa ni Olivarez na ang COIVD-19 vaccines, kabilang ang boosters ay patuloy na sumasagip ng hindi mabilang na buhay at pumipigil sa mga seryosong sakit, pagkaka-ospital at kamatayan.
Bilang bahagi ng health concern strategy ng kanyang administrasyon, sinabi nito na kanilang ipagpapatuloy ang implementasyon ng prevent, detect, isolate, treat, and reintegrate (PDITR) response ng COVID-19 pati na rin ang agarang aksyon ng pagpaplano patungo sa “new normal”.
Para mas lalong makasiguro sa kaligtasan ay pinaalalahanan din ang mga residente ng lungsod lalo na ang mga immunocompromised at mga senior citizens na magpabakuna na at magpaturok ng kanilang booster shots laban sa COVID-19.
Kaya’t hinihikayat ang mga residente na tumanggap ng bivalent COVID-19 vaccine booster dose para sa mas mainam na proteksyon laban sa naglilipanang bagong variants ng virus.
Samantala, iginiit naman ni Go Negosyo founder Joey Concepcion ang kahalagahan ng pagdating ng bivalent COVID-19 vaccines sa bansa na makatutulong sa pagpapanatili sa pagbawi ng ekonomiya sa gitna ng pagsulpot ng bagong Omicron variants. MARIVIC FERNANDEZ