MAS KOMPREHENSIBONG SOLUSYON SA AIRPORT CONGESTION INIAPELA

SA  inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong summer season, hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga awtoridad sa transportasyon na maglatag ng mga komprehensibong solusyon upang mapawi ang mga biyahero at tugunan ang mga isyu na nagmumula sa pagsisikip sa mga paliparan.

“Napakaganda na po ngayon ng ating mga bagong airport at seaports. Though hindi talaga perpekto ’yung mga international airport natin, lalong-lalo na ‘yung NAIA (Ninoy Aquino International Airport), kailangan talagang i-improve pa at ma-address ‘yung congestion diyan. At malaki po ang tiwala ko na sana po’y ma-improve pa itong serbisyo diyan sa Manila airports na talagang naka-clogged up at nabuburden ang mga pasahero,” pahayag ni Go sa isang interview.

Ibinahagi rin ni Go na alinsunod sa Build, Build, Build, program ni dating pangulong Rodrigo Duterte, suportado ng huli ang pagtatayo ng isa pang paliparan sa Bulacan, upang matiyak na mas maraming Pilipino ang maginhawang makabiyahe at matugunan ang kasikipan sa mga paliparan sa Maynila.

Bukod dito, nagpahayag ng suporta si Go sa Build Better More program ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. para mapahusay ang mga impraestruktura, kabilang ang mga paliparan, para mapalakas ang turismo at pag-unlad ng ekonomiya sa bansa.

“Natutuwa rin po ako na magkakaroon na ng bagong airport diyan po sa Bulacan. Mayroon naman pong airport rin sa Clark, iyan po rin ‘yung proyekto ni dating pangulong Duterte. Sana lumuwag na po ‘yung congestion diyan po sa airport sa Maynila,” dagdag ni Go.

Pinayuhan din ng senador ang mga Pilipino na dumating ng mas maaga sa airport bago ang kanilang mga nakatakdang flight upang maiwasan ang anumang abala o pagkaantala na maaaring mangyari sa proseso ng check-in at seguridad.

Kamakailan ay naglabas din ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng kahalintulad na pahayag kung saan hinimok nila ang mga Pilipino, na maging mas maaga ng dalawa hanggang apat na oras sa kanilang nakatakdang flight, dahil inaasahang hindi bababa sa 20,000 pasahero ang dadagsa ngayong Semana Santa.

“Of course the earlier, the better para hindi po tayo nagmamadali sa ating iba’t ibang proseso katulad ng check-in, pagdaan sa final security or going through immigration kung papunta po kayo sa international flights. Importante po na kumpleto ang ating mga dokumentong dala-dala,” pahayag naman ni MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co sa interview noong Marso 21.

Samantala, ipinagpapatuloy ni Go ang kanyang apela sa mga kinauukulan na bumuo ng isang mas mahusay at mas malakas na airport management system, kabilang ang mga contingency plan, kasunod ng nakaraang aberya sa NAIA air traffic control.

“Kapag nag-shutdown, dapat agad may back up, may contingency plan kaagad. Hindi po katanggap-tanggap ‘yan na paulit-ulit na nangyayari. Nandiyan naman po ang gobyerno, nandiyan naman po ang DOTr (Department of Transportation), nand’yan naman po ang CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines), at trabaho nila na tingnan nang mabuti kung ano bang mga equipment ang kailangan para hindi mauulit. ,” sabi ni Go.