MAS LIGTAS ANG NAKA-MASK-DOH

IGINIIT ng pamunuan ng Department of Health (DOH) na mas magiging ligtas pa rin ang publiko kung uugaliin ang pagsusuot ng facemask sa kabila ng anunsiyo ng Inter-agency task force against emerging infectious diseases (IATF-EID) kaugnay ng pagiging optional sa pagsusuot nito.

Ayon kay DOH Officer-in-charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kahit na inirekomenda ng IATF kay Pangulong Ferdinand ‘Bong Bong’ Marcos Jr., ang pagluluwag sa mandatory na pagsusuot ng facemask sa mga pampublikong lugar na hindi matao o siksikan, makabubuti pa rin aniya na maintindihan ng taumbayan ang importansiya ng pagsusuot nito.

Giit pa niya, kasalukuyan pa ring nananatili ang banta ng COVID-19 sa Pilipinas sa kabila ng pagbaba ng mga kaso ng tinatamaan nito.

Mas mabuti rin ayon sa DOH na magsuot ng mask kahit nasa labas dahil sa sintomas ng iilan, gaya ng ubo o sipon at ito ang magiging paraan para hindi makahawa at pagpapakita ng malasakit at respeto sa kapwa.

Ito rin aniya ay isang magandang halimbawa sa mga kabataan kung ang mismong mga nakakatanda ay nakasuot ng facemask.

Una nang sinabi ni Vergiere na may “verbal” approval na ni Pangulong Marcos Jr. ang rekomendasyon ng IATF hinggil sa optional na pagsusuot ng facemask sa mga pampubliko at hindi siksikan na lugar. PAUL ROLDAN