TINIYAK ni House Committee on Agriculture and Food Chairman at Quezon Ist District Representative Wilfrido Mark Enverga na sila ay nakikipag-ugnayan na sa tanggapan ni Senador Cynthia Villar upang maisagawa na ang bicameral ng Kongreso upang umusad na ang anti-agri smuggling bill na layong magbigay ng ngipin laban sa mga sumasabotahe sa ekonomiya ng bansa.
Ito ay matapos makarating sa kaalaman ng kongresista na nagrereklamo na ang senadora na tila umano hindi binibigyang pansin ng Kamara ang naturang panukalang batas kung kaya hindi ito makausad sa bicameral conference committee.
Kamakailan ay nagpahayag si Villar sa isang radio interview na isa rin sa naging dahilan ng hindi pag -usad ay ang hindi pagkakasundo ng dalawang kapulungan sa mga probisyon na maaari aniyang magpalabnaw sa naturang panukalang batas.
Ayon sa mga unang ulat, sinabi ni Villar na may mga gusto ang mga counterpart nila sa Kamara na palitan ang naturang panukalang batas na hindi mapagkasunduan dahil maaari aniyang magpawalang bisa ito sa proposed legislation na tulad ng una nilang naipasang measure na Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 (Republic Act 10845) na wala namang nakulong sa mga lumabag dito kahit isa man lang.
Sinabi ni Villar sa mga naunang panayam na higit sa 12 probisyon ng Senate Bill 2432 ang gustong amiyendahan ng House panel pero tiniyak ng senadora na hindi siya papayag dito.
Tinatayang umaabot sa P200 billion ang nawawala sa bansa sa agricultural smuggling kada taon.
Kung kaya layon ni Villar na magbigay ng mas mabigat na parusa sa smuggling, kabilang ang hoarding, profiteering at cartel sa kanyang panukalang batas na Senate Bill 1086, Committee Report No. 12 ng Committee on Agriculture, na magre-repeal sa Anti-Agricultural Act of 2016 o Republic Act No.10845.
Ipinaliwanag naman ni Enverga na ang dahilan ng deadlock sa panukalang batas ay ang hindi pagkakasundo ng dalawang panig sa gusto nilang mangyari dito. Sapagkat ang House version ay naglalayon na amendatory lamang ang gawin sa existing anti agri smuggling law.Samantalang ang Senate version naman ay naglalayon ng complete repeal o rewriting ng Republic Act No. 10845.
“So there is a first impasse dito. Sino yung magiging working draft,”sabi ni Enverga.
“But just to let everyone know, we had been in constant communication with the staff of the good Senator Villar. All throughout, so we also conducted a pre bicam here.So that for an efficient bicam, we already posted concerns with the proposed anti-agricultural economic sabotage act.So medyo it took about two weeks for us to fit to wrap up,” sabi ni Enverga.
Layon ng SB 2432 na susugan ang RA 10845 upang mas maging mataas ng tatlong beses ang multa sa halaga ng agricultural at fishery products na pinuslit sa bansa na itinuturing na economic sabotage.
Samantala, umaasa naman si Enverga, na magkakaroon din ng benepisyo ang sektor ng agrikultura ng bansa sa nilagdaang second protocol ni Pangulong Ferdinand “Bongbong Marcos Jr. sa ASEAN-AUSTRALIA-New Zealand Free Trade Area (AANZFTA) ngayong linggo at hindi lamang sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang makikinabang dito. MA. LUISA MACABUHAY-GARCIA