MAS MABILIS NA PAMAMAHAGI NG BAKUNA  PARA SA MULING PAGBUBUKAS NG EKONOMIYA

JOE_S_TAKE

NAPAKAGANDANG balita ang ukol sa pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa NCR Plus Bubble na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Laguna, Rizal, at Cavite. Bunsod nito ay malaki ang posibilidad na isailalim na ang  nasabing mga lugar sa General Community Quarantine (GCQ). Habang isinusulat ko ito ay inaasahan ang anunsiyo ukol dito ni Pangulong Rodrigo Duterte kagabi.

Ang mungkahing isailalim ang NCR Plus Bubble sa mas maluwag na uri ng community quarantine ay suportado ng OCTA Research Group. Ayon sa grupo, sumasang-ayon ito na ligtas nang isailalim sa GCQ ang NCR Plus Bubble simula ika-16 ng Hunyo. Ngunit ayon kay OCTA Research Group fellow Dr. Guido David, sa kabila ng mga rekomendasyon, ang Inter-Agency Task Force (IATF) pa rin ang magdedesisyon ukol sa usaping ito.

Ibinahagi rin ni David sa isang panayam na ang pangunahing rekomendasyon ay ang manatili ang NCR Plus sa ilalim ng mahigpit na uri ng GCQ. Dagdag pa nito na habang bumababa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa NCR Plus Bubble, nagkakaroon naman ng pagtaas sa ibang bahagi ng bansa. Ayon sa datos, bagamat bumaba ang kaso ng COVID-19 sa NCR Plus, tumaas pa rin ng 1% ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa, at nasa 1.04% naman ang reproduction rate nito.

Sa kasalukuyan, ang karaniwang bilang ng COVID-19 sa Metro Manila ay nasa 900 na kaso kada araw. Napakalaki na ng ibinuti ng sitwasyon kung ikukumpara sa 6,500 na kaso ng COVID-19 kada araw mula noong ika-29 ng Marso hanggang ika-4 ng Abril.

Kaugnay ng nabanggit na impormasyon, ayon kay David ay mas maraming negosyo na ang maaaring bumalik sa operasyon. Ito ay kanilang sinusuportahan dahil sa positibong pagbabago sa datos ng COVID-19 sa Metro Manila sa kasalukuyan. Ang antas ng mga positibong kaso ay bumaba sa 8%, nasa 0.72 naman ang reproduction rate, at mas mababa naman sa 40% ang hospitalization rate. Ayon kay David, ito ay maituturing na ligtas na antas.

Sa aking personal na pananaw, malaki ang maitutulong sa ating bansa kung mas maraming negosyo ang pahihintulutang magbalik-operasyon. Makatutulong din ito sa pagpapababa ng antas ng walang trabaho sa bansa. Maraming industriya na gaya ng industriya ng isports at industriya ng pagmamanupaktura ang nagpatunay na maaaring magpatuloy ang pag-unlad ng isang industriya sa kabila ng pandemyang COVID-19. Kailangan lamang maging maingat sa pagpapatupad ng mga istratehiya at siguraduhin ang kaligtasan ng mga miyembro nito.

Kailangang makahanap ng istratehiya ang mga industriya na makapagbalik-operasyon sa kabila ng pandemya. Mas magiging madali at mabilis ang pag-usbong ng positibong epekto kung kasabay ng pamamahagi ng bakuna sa bansa ay ang pagsusumikap ng bawat industriya na makapagpatuloy sa kabila ng ating krisis na kinahaharap. Sa madaling salita, kailangang magtulungan ang pamahalaan, ang iba’t ibang industriya, at pribadong sektor upang mapabilis ang pagbangon ng ating bansa mula sa epekto ng pandemyang COVID-19.

Kailangang siguruhin ng pamahalaan ang tuloy-tuloy na pagpasok ng supply ng bakuna at ang pagkakaroon ng mahusay at epektibong sistema ng pamamahagi nito.

Sa kasalukuyan, higit 9 milyong dosis ng bakuna na ang pumapasok sa bansa. Ayon sa ulat ng National Task Force (NTF) noong ika-8 ng Hunyo, nasa 6 milyong Filipino na ang nabigyan ng bakuna sa bansa. Sa kabuuang bilang na ito, 4,491,948 ang nakatanggap ng unang dosis habang 1,604,260 naman ang nakakumpleto ng bakuna matapos matanggap ang ikalawang dosis nito.

Magandang balita naman ang inaasahan simula ngayong buwan ng Hunyo ukol sa pagpasok ng mga dosis ng bakuna sa bansa. Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez, Jr., inaasahang higit sa 11 milyong dosis ng bakuna ang papasok sa bansa ngayong buwan. 11 milyong dosis ulit sa Hulyo, at 17 milyong dosis sa Agosto.

Noong ika-10 ng Hunyo ay naitala ang pinakamaraming dosis ng bakuna na pumasok sa bansa sa loob ng isang araw sa bilang na 3.2 milyong dosis mula sa Sinovac at sa Pfizer. 1 milyong dosis ang mula sa Sinovac at 2.2 milyong dosis naman ang mula sa Pfizer.

100,000 dosis ng bakuna naman mula sa Sputnik V ang dumating sa bansa noong Biyernes ng gabi, ika-11 ng Hunyo. Ito ang naitala bilang pinakamataas na bilang ng dosis mula sa Sputnik V na pumasok sa bansa. Sa kasalukuyan, nasa 180,000 na ang kabuuang bilang ng bakuna mula Sputnik V na ating natangggap.

Ang Sinovac ay ipamamahagi sa Metro Manila, Batangas, Cavite, Laguna, Rizal, Pampanga, Bulacan, Metro Cebu, at Metro Davao (NCR+8) para sa mga indibidwal na matutukoy bilang essential worker o ang kategoryang A4. Ang nabanggit na mga lugar ang prayoridad para sa mga bakuna dahil sa pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga kaso ng COVID-19 kumpara sa ibang lugar sa bansa. Magandang istratehiya ito sa pagpapababa ng kaso ng COVID-19 sa mga naturang lugar.

Ang Pfizer naman ay ipamamahagi sa mga healthcare worker, mga senior citizen, at mga indibidwal na may idineklarang comorbidity. Ito ay alinsunod sa panuntunan ng World Health Organization (WHO) na nagasasabing ang mga donasyon mula sa COVAX ay dapat ipamahagi sa mga mahihirap at mga nangangailangan.

Ayon kay Galvez, ang Visayas at Mindanao ay nakatakdang makakuha ng tig-210,000 na dosis ng bakuna mula sa Pfizer, habang ang natitirang 1.9 milyong bakuna ay ipamamahagi sa NCR+8.

Ayon sa NTF, layunin nitong makapagpamahagi ng 40 milyong bakuna simula ngayong buwan hanggang Agosto. Ayon kay Galvez, maaasahang sa susunod na buwan ay kaya na ng pamahalaan na makapagpamahagi ng 400,000 hanggang 500,000 na dosis ng bakuna kada araw. 740,000 kada araw naman pagsapit ng Agosto.

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) noong ika-13 ng Hunyo, ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa ay 1,315,639. Sa kabuuang bilang na ito, 59,865 o 4.6% ang naitalang aktibong kaso. Ang naitalang bagong kaso noong ika-13 ng Hunyo ay 7,302.

Ang tuloy-tuloy na pagpasok ng mga dosis ng bakuna sa bansa at ang mabilis na pamamahagi nito ay malaking tulong sa ekonomiya. Kung makikita ng iba’t ibang industriya na mahusay ang sistema ng pamamahagi nito, mas magiging madali para sa kanila at magiging mas panatag din ang kanilang kalooban na muling magbalik sa operasyon. Nawa’y maging mabilis ang pamamahagi ng bakuna para sa mga essential worker o ang mga kabilang sa kategoryang A4. Nawa’y hindi rin maantala ang pagdating ng mga dosis ng bakuna sa bansa upang lalong maging mabilis ang pamamahagi ng mga bakuna dahil ang mabilis na pamamahagi nito ay nangangahulugan na magiging mabilis din ang ating pagbangon mula sa pandemyang COVID-19.

9 thoughts on “MAS MABILIS NA PAMAMAHAGI NG BAKUNA  PARA SA MULING PAGBUBUKAS NG EKONOMIYA”

  1. 478803 308014Someone necessarily assist to make critically articles Id state. This really is the very first time I frequented your web page and thus far? I amazed with the analysis you created to make this actual submit incredible. Exceptional activity! 710186

Comments are closed.