IMINUNGKAHI ni Senador Grace Poe ang paglikha ng isang grupo na may mas malawak na kapangyarihan sa pagtiyak sa pagtataguyod ng kapakanan ng hayop sa bansa at ang kanilang proteksyon laban sa kalupitan.
Layon ng Senate Bill No. 2458 na i-revise ang Animal Welfare Act upang protektahan ang “animal welfare standards, policies, rules and regulations, implementation and enforcement as well as provide tougher penalties to violators.”
“Animals do have rights, too. Ang bantay ng ating bahay, kailangan din ng tagapagtanggol,” ani Poe.
“Some humans consider their pet animals like a member of their own family. However, not all animals are given the same care and attention, they are sometimes left abandoned, or worse, experience cruelty,” dagdag pa niya.
Ang panukala ay naglalayong lumikha ng isang Animal Welfare Bureau (AWB) na magkakaroon ng mga tanggapan sa lungsod, munisipyo, probinsiya at rehiyon. Ilalagay din sa ilalim ng pamumuno ng Department of Agriculture (DA) ang proposed body.
Ang panukalang batas ay nagpapataw ng parusang pagkakulong mula sa isang taon at anim na buwan hanggang tatlong taon, at multang hindi bababa sa P30,000 ngunit hindi hihigit sa P100,000 para sa sinumang mapatutunayang gumawa ng kalupitan, pagmamaltrato o alinman sa mga ipinagbabawal laban sa mga hayop.
LIZA SORIANO