MAS MAHIGPIT NA PARUSA SA INDISCRIMINATE FIRING ISABATAS

NAPAPANAHON na ang pagsasabatas ng mas mahigpit na parusa laban sa mga walang habas na nagpapaputok ng baril pati na rin sa mga gumagamit ng paltik o mga katulad na gamit para magsilbing baril upang bigyang diin ang bigat ng kanilang pagkakasala.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, kamay na bakal ang dapat ipatupad sa mga taong walang habas na nagpapaputok ng baril at hindi dapat hayaan ang mga iresponsableng indibidwal na nakawin ang mga inosenteng buhay dahil lamang sa kapritso nilang magpaputok ng baril na dapat ay ginagamit lamang sa pagtatanggol sa sarili laban sa mga kriminal.

Nakapaloob sa panukalang batas na inakda ni Gatchalian ang Senate Bill 2501 o “An Act Penalizing Willful and Indiscriminate Discharge of Firearms which seeks to amend Act No. 3815 otherwise known as the Revised Penal Code” ay nagpapataw ng parusang mas mataas ng isang antas kung ang nagkasala ay isang miyembro ng militar at military auxiliary agencies, law enforcement agencies na awtorisado na mag bitbit ng baril o kung ang nagawang pagpapaputok ng baril ay walang kinalaman sa pagganap ng opisyal na tungkulin.

Maaari rin silang panagutin ng mga kasong administratibo at ipawalang bisa ang kanilang lisensya sa paggamit ng baril at patawan din ng habambuhay na diskwalipikasyon sa pagkuha ng anumang lisensya o permit sa pagdadala at paggamit ng anumang uri ng baril, sabi pa ni Gatchalian.

“Maaaring masyadong mabigat ang mga kaparusahang ito sa pananaw ng iba ngunit sa tingin ko, hindi pa rin sapat ang mga ito bilang kapalit ng mga nawalang buhay ng mga inosenteng biktima. Marami nang mga naganap na indiscriminate firing na nagdulot ng permanenteng kapansanan sa ilan,” dagdag pa ng senador.

“Ang mga walang kapararakan na mga gawaing ito ng ilang indibidwal na nag-aakalang hindi nakakapinsala ang kanilang walang habas na pamamaril ay dapat nang itigil. Ang mga nagmamay-ari ng baril ay dapat kabalikat sa pagpapanatili ng kaligtasan ng komunidad,” pagtatapos ni Gatchalian.
VICKY CERVALES