BUMISITA kamakailan sa Cavite si Senador Christopher “Bong” Go, adopted son ng CALABARZON, kung saan personal niyang nasaksihan ang groundbreaking ng Super Health Center sa Kawit.
“Nais ko pong magpasalamat sa DOH at sa lahat ng opisyales ng Kawit sa pagpapaunlak sa akin sa okasyon na ito.
Bilang inyong Chair ng Senate Committee on Health, nakakatuwa talaga kapag nasasaksihan ko ang groundbreaking ng mga Super Health Centers dahil importante sa atin na ilapit ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan, lalo na sa mahihirap,” talumpati ni Go.
“Nais ko rin magpasalamat sa ating mga health workers na patuloy na nagsasakripisyo ng kanilang buhay para sa mga Pilipino. Hindi natin malalabanan ang COVID-19 kung wala ang inyong sipag at malasakit sa bayan,” dagdag nito.
Ang Super Health Centers ay nag-aalok ng basic health services kasama ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray and ultrasound), pharmacy and ambulatory surgical unit. Kasama ang eye, ear, nose and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; at telemedicine.
Bukod sa Kawit, may pito pang Super Health Centers sa Cavite na itatayo kasama ang Bacoor, Dasmariñas, General Trias at Imus ganoon din sa Carmona, Magallanes at Tanza.
“Gusto ko rin pong pasalamatan ang ating mahal na Congressman Jolo (Revilla) at Mayor Angelo Emilio Aguinaldo, at sa lahat ng LGUs natin dito. Napakalaki ng papel ninyo para maging maayos ang pagpapatakbo ng ating Super Health Center. This infrastructure would not be possible without your commitment to serve your constituents,” dagdag ni Go.
“Napansin ko noon, sa napakalayong lugar, walang access sa ospital yung mga buntis (at) manganganak na lang sa jeep at tricycle sa layo ng biyahe; nanganganak na lang po dyan sa tabi-tabi. Kaya ngayon po mayroon na po silang Super Health Center. (Para) sa mga kababayan natin sa malalayong lugar, makakatulong po ito (at) sa mga mahihirap.
“Bilang Chair ng Committee on Health sa Senado, asahan n’yo pong isusulong ko yung mga inisyatibo at panukalang batas na makakatulong sa ating mga kababayan. The more we should invest sa ating healthcare system sa ngayon (dahil) hindi natin alam kung ito na ba ang huling pandemya na darating sa buhay natin. Nabigla po tayo noong nakaraang taon,” pahayag pa ng senador.
Hinimok din ni Go ang publiko na samantalahin ang tulong medikal na iniaalok sa Malasakit Centers na matatagpuan sa Southern Tagalog Regional Hospital sa Bacoor City, at General Emilio Aguinaldo Memorial Hospital sa Trece Martires City.
Si Go ang principal author ng Malasakit Centers Act of 2019 na may 154 operational centers sa buong bansa.