(Isinusulong sa Senado) MAS MALAKAS NA PROTEKSIYON PARA SA MGA PASAHERO TUWING HOLIDAY RUSH

NAIS ni Senador Win Gatchalian na palakasin ang karapatan ng mga pasahero ng taxi at tourist car transport services, lalo na tuwing panahon ng holiday rush kung kailan mas sumisikip ang daloy ng trapiko at bumababa ang kapasidad ng mga pampublikong transportasyon.

“Hanggang ngayon, wala pa tayong batas na nagtatakda ng mga karapatan ng mga pasahero na may layuning itaas ang antas ng serbisyong transportasyon. Upang tugunan ang problemang ito at maiwasan ang ganitong mga insidente sa hinaharap, ang passenger bill of rights ay magbibigay ng proteksyon sa publiko laban sa mga abusadong driver ng taxi at iba pang mga sasakyang paupahan,” ani Gatchalian.

Ito ang layon ng Senate Bill 819, o ang An Act Establishing the Rights of Passengers of Taxis, Tourist Car Transit Services, and Other Similar Vehicles for Hire, na inihain niya ngayong 19th Congress.

Ayon kay Gatcha­lian, ang mga pampublikong transportasyon ay karaniwang kapaki-pakinabang at in demand tuwing rush hour, panahon ng kapaskuhan, tag-ulan, at dis-oras ng gabi kung kailan problema ang kaligtasan ng mga pasahero at kakulangan ng ibang paraan ng transportasyon.

“Nakita natin ang hindi mabilang na mga video at narinig ang mga nakakagalit na kwento ng mga pasaherong naging biktima ng mga abusadomg driver ng mga taxi at iba pang sasak­yang paupahan,” dagdag pa niya.

Sinabi ng senador na tumataas ang ganitong mga insidente tuwing holiday season dahil sa pagdami ng pasahero na gumagamit ng taxi at iba pang pampublikong transportasyon. Bunsod nito, nagiging mahirap para sa mga com­muter ang makahanap ng masasakyan habang dumarami ang mga driver na naniningil ng labis na bayad.

“Sa halip na ka­ginhawahan o pagtitipid, may ilang pasahero na napipilitang magdagdag na lang ng pambayad o magbayad ng mas higit pa sa metro. May mga ulat din na kahit ang mga turista ay nagiging biktima ng ganitong mga driver na nang-aabuso sa sitwasyon,” aniya.

Binigyang-diin ni Gatchalian na ang ganitong mga insidente ay madalas na pinalalampas o hindi naaaksiyunan dahil sa kakulangan ng mga batas na pumoprotekta sa mga commuter.

“Mas praktikal para sa karamihan ng ating mga kababayan na mag-taxi o sumakay ng Transportation Network Vehicle Service (TNVS) tulad ng Grab, Angkas, Joyride, Toktok at iba pa, para sa mas komportableng biyahe. Ngunit kailangang tiyakin natin na may sapat na proteksyon ang mga pasahero na gumagamit ng ganitong mga serbisyo,” dagdag niya.

VICKY CERVALES