(Inaasahan ng DA sa kabila ng El Niño) MAS MALAKING ANI NG BIGAS SA 2024

TIWALA ang Department of Agriculture (DA) na mas maraming bigas ang maaaring anihin ngayong 2024 kumpara noong nakaraang taon sa kabila ng epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na inaasahan nila ang 20.4 million metric tons ng bigas na maaani ngayong taon, kumpara sa 20.06 million metric tons noong nakaraang taon.

“Inaasahan natin na mas malaki ang ating harvest ngayong taon. Kasi nga last year ay 20 [million metric tons], ngayon ay 20.4 [million metric tons]. Inaasahan natin ngayong wet season, mas mataas din ang ating inaasahang harvest,”pahayag ni De Mesa.

“Of course, mas maganda na ang ating mga variety ngayon ng mga binhi at saka mga interventions natin,” dagdag pa niya.

Gayunman, sinabi ng opisyal na bahagyang bumaba ang ani ng bansa sa first quarter ng taon ng 100,000 metric tons.

Ito, aniya, ay napakaliit lamang at wala pang  1%, at madaling mapunan sa pamamagitan ng pag-angkat.

Aniya, ang bansa ay umangkat na ng 1.6 million metric tons ng bigas.

Kumpiyansa rin si De Mesa na sa ngayon ay sapat ang suplay ng bigas sa bansa.

Ang naitalang pinsala sa agrikultura ng El Niño ay sakop din ng inaasahang danyos ng pamahalaan taon-taon.

Ayon kay De Mesa, ang El Niño noong 1997 hanggang 1998 ay nakaapekto sa 370,000 ektarya. Ngayong taon, tinataya ng DA ang 120,000 ektarya na pinsala, subalit nasa  58,000 ektarya pa lamang ang napipinsala sa kasalukuyan.

“So, hindi ganon kalaki. Siyempre dahil napaghandaan natin ito sa abiso ng PAGASA at sa pagtutulungan natin with NIA (National Irrigation Administration). So, hindi ganoon kalaki ang naapketuhan talaga as expected namin,” aniya.

Sa pagtaya ng pamahalaan, hanggang noong Mayo 2, ang pinsala sa agrikultura ng El Niño ay umabot na sa P5.9 billion.

Ang bigas pa rin ang pinakaapektading pananim, na may total value loss na P3.1 billion, sumunod ang mais sa  P1.76 billion, at  high-value crops sa P958 million.  Samantala, ang Mimaropa, Cordillera Administrative Region, at Western Visayas ang tatlong pinakaapektadong rehiyon.