MAS MALAMIG NA PANAHON ASAHAN NGAYONG ENERO AT PEBRERO

Asahan ang mas malamig na panahon sa unang dalawang buwan ng taon at ang mga kalat kalat na pag-ulan at thunderstorms sa iba’t ibang bahagi ng bansa ngayong unang  weekend ng taong 2025.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA),  kadalasan nang nararanasan ang pinakamalamig na panahon sa malaking bahagi ng bansa sa peak season nito tuwing unang buwan ng taon. Mas lalo aniyang mararanasan ang malamig na panahon sa Luzon dahil sa hanging amihan.

Samantala sa 8 a.m. weather forecast ng PAGASA, sinabi naman nito na asahan  ang kalat kalat na  pag- ulan at thunderstorms sa Batanes, Cagayan, Isabela, Mountain Province, Kalinga Apayao, Ifugao, at Palawan.

Dahil sa mga pag-ulan na ito, pinag- iingat ang mga apektadong lugar na posibleng magdulot ng baha o pagguho ng lupa.

Samantala, bahagyang bubuti naman  ang lagay ng panahon sa Metro Manila, base sa rainfall forecast ng metro weather, bagamat ngayong Biyernes at Sabado ay maaari rin itong makaranas ng light to moderate rains dito.Higit na makakaasa  ng mas maayos na panahon ang Kamaynilaan sa Linggo.

Malaking bahagi naman ng natitirang bahagi ng Luzon,Visayas at Mindanao ang uulanin ngayong weekend lalo sa bandang hapon at gabi.Posible ang heavy to intense rains sa ilang bahagi nito.

Sa nalalabing bahagi naman ng bansa ay makakaranas  ng maganda at maaliwalas na panahon, pero may tsansa pa rin ng mga isolated na mga pag- ulan.Wala naman anyang gale warning su­balit pinag- iingat pa rin ang mga papalaot sa mga karagatan lalong lalo na sa baybaying dagat sa northern Luzon.

Ayon sa PAGASA, hanging amihan at shear line ang nagpapaulan sa bansa at posible ang surge ng hanging amihan sa susunod na linggo.

Wala naman sa ngayon na namomonitor ang PAGASA na namumuong sama ng panahon o  low pressure area o bagyo sa dagat Pasipiko lalong lalo na sa Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ma. Luisa Maca­­buhay-Garcia