NAGBUKAS na ang maraming negosyo magmula nang isailalim ang National Capital Region (NCR) sa Alert Level 2 at naghihintay ang mas masayang Pasko sa mga Pilipino ngayong taon.
Gayunman, dahil sa pagkakatuklas sa Omicron variant ng COVID-19 nitong Nobyembre, nagkaroon ng ‘uncertainties’, kabilang ang panibagong lockdown sa Metro Manila.
Sa kabila ng mga ulat sa posibleng epekto ng Omicron variant, sinabi ni OCTA Research fellow Prof. Guido David na ang mga banta ng panibagong lockdown sa Metro Manila ay mas mababa dahil sa kasalukuyang estado ng health care utilization sa rehiyon at sa iba pang bahagi ng bansa.
Sa isang webinar na inorganisa ng Cardinal Santos Medical Center nitong Biyernes, sinabi ni David na sa pagitan ng November 26 at December 2, 2021, ang average number ng mga bagong kaso kada araw ay 551 mula sa 1,635 sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang positivity rate ay bumaba sa 2.1 percent sa nasabing panahon ngayong taon mula sa 5.1 percent noong 2020.
Bumaba rin ang occupancy ng intensive care unit beds sa 27 percent mula Nov.26 hanggang Dec. 2, 2021, mula 41 percent noong nakaraang taon.
Idinagdag ni David na ang numero noong nakaraang taon ay itinuturing na mababa noong panahong iyon subalit bumaba pa ito ngayong taon sa kabila ng presensiya ng Delta variant dahil maraming Pilipino ang bakunado na.
Aniya, base sa datos, ang surge sa mga kaso ay mas magiging mabagal sa mga lugar na may vaccinate rate na hindi bababa sa 80 percent.
Ang vaccination rate sa NCR ay above 80 percent.
Sa datos mula sa mga bansang may Omicron, ang bagong variant ay higit na nakahahawa na may reproduction number na 10.
Subalit sa pag-obserba sa minimum public health standards, ang reproduction number ay bumababa sa lima at bumababa pa sa isa sa mga lugar na may vaccination rate na hindi bababa sa 80 percent.
“Preliminary analysis shows that threat of a surge in the NCR is low,” sabi ni David, at idinagdag na ang worst case ay maaaring ‘light surge’ na posibleng mangyari sa huling bahagi ng Enero hanggang kaagahan ng Pebrero sa susunod na taon. PNA