MAS MARAMI PANG COVID-19 VACCINES, DARATING SA PINAS

TINIYAK ni Senador Christopher “Bong” Go na mas marami pang bakuna laban sa COVID-19 mula sa China at Russia ang darating sa bansa sa mga susunod na araw upang magamit sa national vaccination program na isinasagawa ngayon ng pamahalaan.

Ayon kay Go, 500,000 Sinovac vaccines ang inaasahang darating sa bansa nitong Linggo habang inisyal na 20,000 Sputnik vaccines mula sa Russia naman ang inaasahang darating na rin sa bansa.

“Bukas (April 11) may darating na 500,000 na Sinovac vaccine from China. Bahagi po ito ng nabili nating 1.5 million doses na Sinovac nitong April.

Bagama’t may delays, talagang pahirapan po ang supply ng bakuna sa ngayon pero ginagawa po ng gobyerno, ni Secretary (Carlito) Galvez ang lahat ng makakaya natin para po mapabilis ang pagdating nitong mga ino-order na bakuna,” ani Go, , na siya ring chairman ng Senate Health Committee.

“Sa susunod na linggo, inaasahang darating ang 20,000 initial Sputnik vaccine from Russia. Ito po ay pilot logistics run muna dahil meron pang unique requirements for first and second doses. Inaasahang 20 million po isu-supply ng Russia sa atin with first tranche of 500,000 doses this April or May,” aniya pa.

Binanggit pa ni Go na nakatakdang makipag-usap si Pang. Rodrigo Duterte kay Russian President Vladimir Putin sa mga susunod na araw upang mapalakas ang kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa laban kontra COVID-19, kabilang na ang pagdaragdag pa ng suplay ng bakuna.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Go ang publiko na habang naghihintay ng bakuna ay mahalagang matiyak din na  nasusunod ang  health guidelines sa vaccination process at makapagtayo ng mas marami pang vaccination centers upang maiwasan ang pagkukumpulan ng mga tao.

Umaasa  ang senador na maaabot ng pamahalaan ang kanilang vaccination target, na nasa 50 hanggang 70 milyong Pinoy na mabakunahan laban sa COVID upang makamit ang herd immunity sa pagtatapos ng taong ito.

“Yun po ang importante sa atin ngayon. ‘Wag kayo matakot sa bakuna. Matakot kayo sa COVID-19. Ang bakuna po ang tanging solusyon sa problema natin sa ngayon kaya ‘wag kayo matakot sa bakuna,” aniya pa.

Comments are closed.