MAS MARAMING ATTENDEES SA SIMBAHAN IKINATUWA

Broderick Pabillo

IKINATUWA ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang pagpayag ng inter-Agency Task Force on COVID-19 response (IATF) na itaas na sa 50 porsiyento ng kapasidad ng mga simbahan ang maaaring tanggapin sa tuwing may banal na misa at iba pang relihiyosong aktibidad.

Ayon kay Pabillo, isang magandang balita ito dahil maraming tao ang gustong magsimba ngunit hindi ito magawa dahil sa limitadong kapasidad ng mga simbahan bunsod ng nananatili pa ring banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni Pabillo na maraming mga deboto ang dumadalo sa mga misa pero nasa labas lamang ng mga simbahan ang mga ito dahil tanging 30 porsiyento lamang ang pinapayagang makapasok sa loob ng simbahan sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).

“Ngayon, makakapasok na sila at mas safe pa sa palagay ko sa loob ng simbahan kaysa sa labas na wala namang physical distancing doon,” natutuwang pahayag ni Pabillo, sa panayam sa teleradyo.

Matatandaang nitong Biyernes ay una nang inihayag ng IATF na magluluwag na sila ng restriksyon sa  religious services sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ simula sa susunod na linggo.

Dahil dito, simula bukas, Lunes, Pebrero 15, ay 50 porsiyento na ang venue capacity ng mga simbahan.

Tiniyak  ni Pabillo na sisiguruhin nilang mahigpit na maipatutupad ang health protocols sa mga simbahan para na rin sa kaligtasan ng mga mananampalataya. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.