MAS MARAMING MEDICAL SCHOOLS ITATAYO

PINURI  ni Senador Chiz Escudero ang paglagda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos sa mga batas na lumilikha ng mas maraming medikal na paaralan na naglalayong palakasin ang sektor ng edukasyon.

“I thank President Marcos for his expeditious action. Malaking bagay sa sektor ng edukasyon ang mga bagong batas na naipasa, lalo na ang pagbibigay pahintulot sa ilang unibersidad na makapagtatag ng mga bagong kolehiyo para sa kursong medisina,” ayon kay Escudero.

Kabilang sa mga batas na nilagdaan ay ang Republic Act (RA) 11970, na bubuo sa Benguet State University College of Medicine; RA 11971, Southern Luzon State University College of Medicine; RA 11972, University of Eastern Philippines College of Medicine; at RA 11974 para sa pagkakaroon ng Visayas State University College of Medicine.

Samantala, pinahihintulutan ng RA 11973 ang Bicol University na magkaroon ng sariling College of Veterinary Medicine.

“We are now closer to our goal of offering medical courses in various parts of the country to meet the health needs of the Filipino people,” ayon sa mambabatas.

Sa pagbanggit sa datos ng Department of Health, sinabi ni Escudero na 114,000 na ang kulang sa mga doktor sa bansa bago pa man tumama ang COVID-19 pandemic.

Bukod sa pagtugon sa kasalukuyang kakulangan, dapat ding asahan ng pamahalaan ang hinaharap na pagdami ng populasyon.

“Even if our population increase decelerates and stabilizes at 1.5 million a year, this would still have to be matched with new entrants to the medical profession,” ani Escudero. LIZA SORIANO