MAS MARAMING PABAHAY PLANO NG DHSUD SA 2025

PLANO ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na magtayo ng mas maraming housing units sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong 2025.

Ito’y kasunod ng kauna-unahang turnover ng 4PH units sa Palayan City para sa overseas Filipino workers (OFWs) noong nakaraang buwan.

Ayon kay DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar, mas maraming 4PH units ang maihahatid sa mga benepisyaryo ngayong taon lalo’t ilang gusali sa iba’t ibang project sites ang malapit nang makumpleto.

Katunayan, inaasahan nitong sa mga susunod na linggo ay sunud-sunod at tuluy-tuloy na ang turnover ng 4PH units sa mga benepisyaryo.

Tinatayang nasa mahigit 1,000 aplikasyon sa kasalukuyan na nasa ilalim ng 4PH ang pinoproseso ng Pag-IBIG Fund para sa hindi bababa sa apat na project sites, kabilang na ang mga proyekto sa Palayan City, Bacolod City, at Bocaue sa Bulacan.

Samantala, nasa final phase na rin ang dalawang housing projects ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) — ang Crystal Peak Estates sa San Fernando, Pampanga, at ang People’s Ville sa Lungsod ng Davao.

Aabot naman sa 56 ang aktibong proyekto sa ilalim ng 4PH na nasa iba’t ibang yugto ng konstruksiyon at pag-develop sa Luzon, Visayas, at Mindanao.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Secretary Acuzar na inabot ng dalawang taon bago maisakatuparan ang 4PH projects dahil sa paglipat sa vertical housing o condominium-type developments, at mga pagkaantala sa dokumentasyon mula sa mga pribadong partner.
PAULA ANTOLIN