MAS MATAAS NA DENGUE CASES NAITALA

dengue

INIULAT ng Department of Health (DOH) na nakapagtala sila ng mas mataas na bilang ng dengue cases sa bansa ngayong unang dalawang buwan ng taon.

Batay sa datos na inisyu ng DOH, umakyat na sa 40,614 ang dengue cases na kanilang naitala sa bansa mula Enero 1 hanggang Marso 2 pa lamang.

Sinabi ng DOH na mas mataas ito ng 68% o 16,383 kaso kumpara sa naitalang 24,231 dengue cases lamang noong kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Kaugnay nito, muli ring hinimok ng DOH ang publiko na mag-ingat laban sa dengue.

Payo nito sa publiko, gamitin ang kanilang isinusulong na 4S Strategy na kinabibilangan ng ‘searching and destroying mosquito breeding places’; ‘securing self-protection measures’ gaya ng pagsusuot ng pantalon at pajama, at long sleeved shirts, gayundin ang paggamit ng mosquito repellent at kulambo sa pagtulog; ‘seeking early consultation’ o maagang pagkonsulta sa doktor; at ‘support fogging and spraying in hotspot areas.’

Ipinaliwanag pa ng departamento na sa ngayon ay wala pa ring ispesipikong lunas sa dengue ngunit maaa­ring maiwasan ang pagkamatay dahil sa sakit, sa pamamagitan ng early detection at access sa medical care.

Mas makabubuti rin  kung hindi makakagat ng lamok, na siyang nagdadala ng sakit na dengue.

“We are encouraging the public to practice the 4S strategy, especially now that there are more opportunities for the mosquitoes to make stagnant water around these water containers their breeding places,” dagdag pa ng DOH. ANA ROSARIO HERNANDEZ