PUNTIRYA ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Benjamin Acorda Jr. na higitan pa ang nakuhang 80 % na trust and satisfaction rating ng PNP sa First Quarter 2023 Tugon ng Masa survey ng OCTA Research.
Ito ang sinabi ng PNP Chief matapos panumpain sa tungkulin ang 606 na bagong kapitan at tinyente sa ilalim ng lateral entry program ng PNP kahapon.
Ayon kay Acorda, inaasahan niya ang mga bagong opisyal na maging tulay sa mga pulis sa kalsada at komunidad.
Bilin ng PNP Chief sa mga bagong opisyal na ibigay ang tamang serbisyo upang mapaganda pa ang nakuhang mataas na rating ng PNP.
Ang mga bagong opisyal ay binubuo ng 29 abugado, 4 pari, 2 pastor at 7 doktor na binigyan ng ranggong kapitan at 565 dentista, psychologist, architect, engineer, chemist, IT, at line Officers na inisyal na binigyan ng ranggong tinyente. EUNICE CELARIO