MAS MATAAS NA SRP SA FACE MASKS HINILING

Face Mask

HINILING ng mga manufacturer sa gob­yerno na payagan silang taasan ang suggested retail price (SRP) ng face mask sa gitna ng matinding demand o pangangailangan para rito dahil sa mga pangamba sa bagong uri ng corona virus o COVID-19.

Tumaas ang raw materials na ginagamit sa paggawa ng face mask kaya gusto ng mga ma­nufacturer na payagan din silang taasan ang presyo ng produkto, ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo.

Mula P8, gusto umano ng mga manufacturer na itaas sa P10 hanggang P12 ang SRP ng kada piraso ng N-88 o surgical mask.

“Talagang gagalaw ang presyo niya nang paakyat nang bahagya dahil ‘yong raw materials nito na imported, tumaas din,” ani Castelo sa isang panayam.

Nangako raw ang Medtecs, ang nag-iisang kompanyang gumagawa ng face masks sa bansa, sa gobyerno na kapag pinayagan silang magtaas ng SRP, magsu-supply sila ng 400,000 face mask kada linggo.

“Ang commitment naman… is to supply government ng 400,000 a week sa Department of Trade and Industry, kasi bibigyan pa natin si Department of Health and then we’ll make sure also that the major retailers will have a supply,” ani Castelo.

Muling binalaan ni Castelo ang mga establisimiyentong patuloy na nagbebenta ng mahal na face mask na maaari umano silang maparusahan.

Sinabi naman ni Health Undersecretary Eric Domingo na pag-aaralan muna ng kanilang ahensiya kung panahon na para itaas ang SRP ng face mask.

Comments are closed.