MAS MATINDI PANG PAGBAHA IBINABALA

NAGBABALA ang isang Filipino geo­logist na mas grabeng pagbaha sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa sa mga susunod na panahon.

Ito ay kung hindi kikilos ang buong mundo upang pigilan ang global warming.

Kapansin-pansin na ang mga bansang hindi binabaha dati gaya ng Dubai, China at Taiwan ay lumubog sa baha.

Kaya hindi dapat magtaka na sa Pilipinas ay naiuulat ang pagbaha.

Subalit tinukoy ni Dr. Mahar Lagmay, executive director ng Project Noah ang mga dahilan ng labis na pagbaha nitong July 24 dahil sa Habagat.

Una aniya ay dahil sa matinding pag-ulan na mas marami sa ibinagsak ng Bagyong Ondoy.

Hindi mapipigilan ang kalikasan subalit maaaring maiwasan ang epekto nito at dapat gawan ng pa­raan.

Kabilang naman sa dahilan kung bakit naitala ang malawak na pagbaha ay dahil sa basura at overcrowded na populasyon sa Metro Manila.

Sa rami ng tao sa Metro Manila, maging ang flood lanes ay tinatayuan na ng bahay kaya kapag matindi ang pag-ulan ay hindi na masipsip ang tubig kaya naiipon, umaapaw ang ilog at ang nadadanyos ay sangkatauhan.

Sa Dubai, na kilala sa sky crapers ay binaha na rin dahil sa rami ng mga gusaling itinayo at hindi ma-accommodate ng mga itinayong drainage ang tubig.

Sa Pilipinas, nakasalalay sa flood control projects  para hindi magkaroon ng baha subalit dapat tukuyin din ang kapasidad nito gayundin ang mga pumping station kung kakayanin ang mahigit na 400 milimeter per 24 hour na ulan.