MAS PALAKASIN ANG MARITIME INDUSTRY

KAHIT saang sektor ay may mga pasaway.

Maging sa maritime industry ay mayroon din.

Kaya naman, nasa 15 maritime schools sa bansa ang ipinasara ng Commission on Higher Education (CHEd) mula noong 2022 dahil sa hindi raw pagsunod sa pamantayan.

Hindi biro ang problemang ito.

Kaya nangako si CHED Chairman Prospero de Vera III kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tutugunan nila sa lalong madaling panahon ang non-compliance issues na kinakaharap ng industriya.

Simula noong nakaraang taon, nagtakda ang ahensiya ng moratorium laban sa mga bagong maritime training programs.

Sa ganitong paraan daw ay maisasaprayoridad ang evaluation sa mga umiiral nang programa at masisilip kung nasusunod ng mga paaralan ang international standards.

Sinasabing bahagi ito ng pagpapalakas ni PBBM sa industriya.

Mahalaga na mapaganda pa ng pamahalaan ang kaalaman at karanasan ng mga seafarer sa bansa.

Tunay na pinahahalagahan ng Pangulong Marcos ang Maritime Industry Development Plan (MIDP) para sa taong 2028.

Saklaw ng MIDP ang walong priority programs na kinabibilangan ng maritime transport safety and security; pagtataguyod ng environmental sustainability; implementasyon ng digitalization; modernizing, upgrading, at pagpapalawak ng domestic at overseas shipping industries.

Siyempre, kasama rin dito ang pagpapalakas ng local shipbuilding at ship repair industry; pagtataguyod ng highly skilled at competitive maritime workforce; at pagpapatupad ng epektibo at maaasahang maritime administration governance system.

Kung maaalala, nagreklamo ang European Maritime Safety Agency (EMSA) dahil karamihan daw sa mga Filipino seafarer ay bumagsak sa kanilang pamantayan.

Noong 2022, ang Pilipinas ang primary source ng maritime manpower sa buong mundo na nangangahulugang 25 porsiyento ito ng global seafarers.

Tinatayang US$6.71 bilyon din ang ipinadadalang remittances ng mga Pinoy seafarer.

Isiniwalat ng EMSA na sala-salabat naman ang pagkukulang ng bansa pagdating sa edukasyon, training at sertipikasyon ng mga marino.

Sa kabilang banda, sinisikap naman ng pamahalaan sa pamamagitan ng Maritime Industry Authority (MARINA) na makasunod sa International Convention on Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW) sa pamamagitan ng pagsusumite ng compliance report sa European Union (EU).

Noon pang 2006 ibinunyag ng EMSA na may mga maritime training institution sa Pilipinas na hindi sumusunod sa mga panuntunan sa ilalim ng STCW.

Aba’y nasilip din ang mga pagkukulang na ito noon pang 2010, 2012, 2013, 2014 at 2017.

Habang ang MARINA ang nangangasiwa sa maritime industry sa bansa, ang CHED naman ang namamahala sa mga maritime college at maritime training kaya magkatuwang nilang nireresolba ang mga isyung ito.

Ang siste, ayon sa EMSA, kulang sa shipboard training ang ilang paaralan sa bansa dahil kailangang may bachelor’s degree sa marine transportation o marine engineering bago makatanggap ng certification ang isang seaman.

Kailangan daw ng isang taong onboard training ang isang kadete, bagay na hindi raw naibibigay ng ilang paaralan.

Nawa’y natuto na ang mga kinauukulang ahensiya sa mga pangyayaring ito.

Halatang nagkaroon ng kapabayaan at tila hindi nabigyang pansin noong mga nakaraang taon ang mga suliraning iniulat ng EMSA kaya’t nabawasan ang tiwala nito sa mga ahensyang nagpapadala ng crew mula sa atin.