KUNG napapansin ninyo, panay ang paalala natin sa lahat – sa publiko na kahit nagluluwag na ang gobyerno sa mga restriksiyon sa health protocols dahil nga sa pagbaba ng COVID cases sa bansa, patuloy pa rin tayong mag-ingat.
Palagi pa ring magsuot ng face mask, panatilihing malinis ang mga kamay, ang paligid at higit sa lahat, magpabakuna. Partikular po nating paalala – huwag tayong pakampante.
At lalo po nating isusulong ang panawagang ito ngayon dahil may panganib na namang nagbabadya sa paligid. Ang ipagdasal po natin, huwag nang makapasok sa bansa ang panibago na namang variant ng COVID – ang Omicron na nananalasa ngayon sa South Africa at sa mga kalapit na bansa nila at nariyan na rin sa bansang Japan. Napakalapit lang ng Japan sa atin kaya patuloy lang tayong maging alerto at maingat.
Kaugnay po nito, panawagan natin sa lahat ng mga kinauukulang pangkalusugan, dapat mapalakas ang biosurveillance and genome sequencing capabilities natin para handa tayo sa posibleng pagpasok na naman ng kung ano-anong COVID variant sa bansa.
Sa totoo lang, hindi natin masyadong “kilala” itong Omicron – wala tayong masyadong impormasyon sa kung ano ang tindi ng panganib nito. Pero mabuti na lamang at talagang nakatutok din dito ang mga health expert natin at kinokonsidera nila itong ‘variant of concern’.
Dapat naman talaga, maging alerto ang gobyerno at ang health sector dahil nakikita naman nating unti-unti nang nakababangon ang ekonomiya natin. Napakasakit lang na muli na naman tayong maaapektuhan kung hindi mababantayan ang posibleng panganib na dala ng COVID variant na ito.
Ang pinakamagandang aksiyon dito, palakasin natin ang ating abilidad na maka-detect sa mga bagong variants at makabuo ng siyentipikong paraan kung paano tayo makaliligtas sa panganib.
Hiling ko rin po sa ating Department of Health, dahil laging nahuhuli ang ilang rehiyon sa bansa na magsumite ng kanilang samples for genome sequencing, pakitutukan din sila. ‘Yan po ang Bicol region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsulat at ang BARMM.
Kung magiging mas mabilis kasi tayo sa genome sequencing, mas madali rin tayong makakapag-detect ng COVID variants. At kung magagawa natin ‘yan, mas magiging madali rin sa atin na mapigilan ang pagkalat niyan sa ating bansa. Sana po, magawa natin ‘yan para naman hindi masayang ang unti-unti nang paglakas ng ekonomiya natin.
Ipaalala ko lang po sa DOH na naglaan po ang Senado, sa pangunguna ng ating komite (Senate Finance Committee), ng dagdag na pondo sa inyong epidemiology at surveillance program sa ilalim ng 2022 budget, kaya sana naman po, maging masigasig din tayo sa agarang aksiyon.