MASAGANANG ANI NG GATAS INAASAHAN SA SARANGANI

Senadora Cynthia Villar2

TIYAK na mas aalab pa ang ALAB-Karbawan project sa Rehiyon 12 matapos na opisyal na simulan ang pagpapatayo ng kauna-unahang dairy buffalo milk processing facility at marketing outlet o Dairy Box sa Sarangani Province.

Ginanap ang groundbreaking ceremony noong Hunyo 22 sa Maitum, Sarangani kasabay ng paglalagda sa memorandum of agreement at paggagawad ng naturang pasilidad sa Pangi Multi-Purpose Cooperative (PAMULCO).

“Ang proyektong ito, na pinondohan ng opisina ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform sa pamumuno ni Senator Cynthia Villar, ay naglalayong maparami ang lokal na produksiyon ng gatas sa ating bansa upang sa gayon ay matugunan hindi lang ang demand ng gatas kundi maging ang malnutrition sa Pilipinas,” sabi ni DA-PCC at University of Southern Mindanao Center Director Benjamin John C. Basilio.

Samantala, nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng Sarangani Veterinary Office na dinaluhan ni Dr. Bernard C. Cabatbat, Jonathan C. Duhaylungsod ng Sarangani Agriculture Office, Assistant Director Jessie Beldia ng Agricultural Training Institute -XII, Sarangani Provincial Director Nabil Hadji Yassin ng Department of Science and Technology, State Auditor IV Edgardo Esguerra ng Commision on Audit ng USM.

“No man is an island. Ibig sabihin, ang market-driven na proyektong ito ay convergence ng iba’t ibang ahensiya na ang layunin ay tulungang mapaunlad ang buhay ng magsasakang Pilipino sa pamamagitan ng mas maalab na pagkakalabawan,” pagbibigay-diin ni DA-PCC Project Development Officer Paul Andrew Texon.

Dagdag naman ni DA-PCC General Services Unit Head Engr. Edgardo Dalusong, tiyak na magiging patok ang dairy box sa madla dahil ang Maitum ay isa sa mga munisipyong dinarayo ng mga turista.

Labis naman ang galak ni Maitum Mayor Alexander Bryan Reganit sa magiging epekto ng proyekto sa mga kababayan nito.

“Ang lokal na pamahalaan ng Maitum ay magbibigay ng buong suporta sa DA-PCC. Andyan palagi ang Municipal Agriculture Office at Municipal Engineering Office ng Maitum para tugunan ang teknikal na pangangailangan ng proyektong ito,” aniya.

Isa sa patunay sa suporta ng lokal na pamahalaan ng Maitum ay ang paglalaan nito ng lupang pagpatatayuan ng PAMULCO Dairy Box.

Malugod namang tinanggap ni PAMULCO Chairperson Melecio Ubungen ang proyektong kalabawan at ang mga hamong kabalikat nito.

Sa ngayon, dalawang dairy box na ang fully operationalized sa Region XII. Ang mga ito ay ang Surallah Dairy Box sa Surallah, South Cotabato at Sta. Catalina Dairy Box sa Pres Roxas, North Cotabato.