ARAW-ARAW ay marami tayong inaasikaso. Maraming trabahong naghihintay na kailangang tapusin. At sa sobrang dami nga ng kailangang gawin ay hindi maiiwasang makaramdam tayo ng pagod at stress.
Hindi lang naman sa trabaho tayo nakadarama ng stress kundi kahit na sa bahay. Ang stress pa naman ang isa sa dapat nating iwasan dahil nakasasama ito sa kalusugan. Ilan sa mga sakit na konektado sa stress ay ang sakit ng ulo, constipation, nausea, chest pain, insomnia at kawalan ng energy.
Para maiwasan ang stress, kailangang magawa nating i-handle ito ng maayos. Isa rin sa paraan ay ang pagpapamasahe. Bukod kasi sa stress ay naiibsan ng pagpapamasahe ang pagod natin sa buong araw na pagtatrabaho.
Kaya naman ang masahe o pagpapamasahe ang isa sa mga pinakamabisang gawin pagkatapos ng isang nakapapagod na gawain. Ito ay ang pag-galaw at pagpapalambot ng muscles at tissues sa ating katawan gamit ng iba’t ibang techniques upang umayos ang daloy ng dugo, bumaba ang muscle reflex activity at nagpapa-relax bilang isang recreational activity.
Ang mga tissue sa ating katawan na binibigyang pansin ay ang muscles, tendons, ligaments, fascia, skin, joints, at iba pang connective tissue, kasama na ang lymphatic vessels, o bahagi ng gastrointestinal system.
Sa isang propesyonal na pagmamasahe, ang pasyente ay pinahihiga sa isang mesa, pina-uupo sa massage chair o ‘di naman kaya ay pinahihiga sa isang mat sa sahig. Pero sa mga nagmamasahe na nasa bahay lang, ang pasyente ay pinahihiga sa higaan o sahig lamang. Ang pagmamasahe ay maaaring may damit o wala.
Ang masahe ay may positibong dulot sa ating katawan. Narito ang ilang benepisyo ng masahe:
NAKABABAWAS NG SAKIT NG ULO AT KATAWAN
Ang pananakit ng katawan ay hindi maiiwasan lalo na kung maghapon kang nakaupo sa upuan at nakaharap sa monitor ng iyong computer.
Kapag ikaw ay nakararanas ng pananakit ng katawan, ang pagpapamasahe ay isa sa mga pinakamabisang gawin upang gumaan ang sakit na ito. Tina-target ng masahe ang mga bahagi ng katawang sumasakit gaya ng lower at upper back.
Nakapagpapa-improve rin ito ng circulation at nakapagpapa-relax.
NAKATUTULONG SA MAY ANXIETY AT DEPRESSION
Napag-alaman din na ang pagpapamasahe ay nakababawas ng depresyon at anxiety. Kaya kung nalulungkot ka at nakadarama ng stress, subukang magpamasahe nang mabawasan ang nadaramang lungkot, ma-relax at sumaya.
NAKABABABA NG BLOOD PRESSURE
Lumalabas din sa mga pag-aaral na ang pagpapamasahe ay nakabababa ng blood pressure at iba pang sakit sa puso. At kung mababa ang blood pressure ay maiiwasan ang heart attack, stroke, kidney failure at marami pang health issues.
NAKAPAGPAPAHIMBING NG TULOG
Ang pagpapamasahe ay mabuti ring subukan sa mga nahihirapang makatulog. Ang dami nga naman nating tinatapos kaya’t minsan ay nahihirapan tayong makatulog. Kahit na pagod na pagod na tayo, may mga panahon pa ring ayaw tayong dalawin ng antok. At habang hindi pa naman tayo nakatutulog, mas lalo tayong nai-stress.
Nakapagpapa-relax ang pagpapamasahe kaya’t natutulungan nito ang katawan na makapagpahingang mabuti. Nakapagpapa-boost din ito ng mood. Kung maganda rin ang tulog, mas maganda ang gising at magiging handa ka ring harapin ang mga trabahong kailangang tapusin.
Mas mainam na pumunta sa spa kapag ikaw ay interesadong magpamasahe, pero kapag ikaw ay nagtitipid, kapos sa bulsa, at may tao sa bahay niyo na marunong magmasahe, ay mas maiging sa bahay na lamang at hindi mo na kinakailangang magbayad ng fee. (photos mula sa 123rf.com, freepik.com at lindseyelmore.com). KAT MONDRES
Comments are closed.