MASAKLAP ang naging pamasko ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Angkas bikers at commuters sa paglalabas ng kautusan na magbabawas ng 17,000 Angkas bikers sa pinalawig na pilot run para sa motorcycle taxis.
Sa press conference kahapon kasunod ng isang malaking protest rally at unity gathering na nilahukan ng tinatayang 30,000 riders at transport at commuter advocates, sinabi ni George Royeca, Chief Transport Advocate ng Angkas, na ang bagong LTFRB ruling na nilagdaan ng bagong Technical Working Group (TWG) head na si retired General Antonio Gardiola ay taliwas sa sinasabi nilang pagsusulong ng tamang kompetisyon.
“Hindi ito pagsusulong ng kompetisyon. Sa katunayan, ito ay anti-competition upang puwersahin ang ating mga biker na umalis sa Angkas. Hindi rin ito isang uri ng regulasyon, kundi ng korupsiyon,” matapang na pahayag ni Royeca.
Sa bagong rekomendasyon ng bagong TWG chief, matatanggal sa trabaho ang 17,000 Angkas bikers dahil sa ipinalabas na 10,000 cap bawat motorcycle taxi company, kabilang na ang ANGKAS.
Inisa-isa rin ni Royeca ang umano’y kawalan ng transparency sa naging proseso ng bagong TWG, kabilang na ang umano’y pagtanggal sa orihinal na miyembro ng TWG na kinabibilangan ng civil society members, transport experts at advocates, Highway Patrol Group, MMDA at maging ng Senado at Kongreso. Sa halip, ang bagong TWG ay binubuo na lamang ngayon ng mga ahensiyang pawang nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr).
“Sa pagpasok sa pilot run na ito, ang Angkas ay may 27,000 bikers na matapat na naglilingkod sa publiko simula pa noong 2017. Sila ay ang mga beterano, mga magagaling na bayaning matagal ninyo nang pinagkakatiwalaang itawid kayo sa pang-araw-araw na perwisyo ng traffic,” ani Royeca.
Dahil kulang pa rin ang 27,000 upang matumbasan ang malaking pangangailangan ng mga commuter, nauna nang humiling ang Angkas na payagan silang magdagdag ng mga trained biker subalit sa halip na ito ang mangyari ay mababawasan pa sila ng 17,000 bikers sa ipinalabas na LTFRB ruling.
Dahil dito, sinabi ni Royeca na hindi lamang nalagay sa alanganin ang kalidad ng serbisyo na kanilang ipinagkakaloob, kundi naging malabo rin ang kinabukasan ng 17,000 pamilya ng mga matatanggal na bikers.
“Pabigat nang pabigat ang trapiko araw-araw at padami nang padami ang commuter na kailangan naming paglingkuran. Kaya bakit kailangang bawasan at tanggalan ng trabaho ang mga biker natin?” ani Royeca. “Bakit kailangang parusahan ang mga biker na nakapag-training at napatunayan na ang galing sa daan?,” emosyonal na pahayag ni Royeca.
Ayon pa kay Royeca, halatang minadali ang desisyong ito ni Gardiola at ng LTFRB.
“Ilang taon ang ginugol ng Angkas upang ma-develop ang aming backend at platform at upang mahigpit na sanayin ang ating bikers, subalit ang bagong TWG ay nagbigay lamang ng tatlong buwang pribilehiyo sa mga bagong player at agad na pinapasok,” himutok pa ni Royeca.
Hindi rin umano transparent ang decision-making process ng bagong TWG.
“Bakit palihim? Bakit may mga secret meeting? May mga tinatago ba kayo?” dagdag pa niya.
Nauna rito, bumuhos sa daan kahapon ang may 30,000 Angkas bikers, transport and safety advocates at maging mga apektadong commuter upang mag-protesta sa bagong kautusan ng LTFRB.
Nauna nang kinuwestiyon ni Senadora Grace Poe, chair ng Senate Committee on Public Services, ang kakulangan ng transparency sa proseso ng TWG at LTFRB.
“Nais nating malaman ang mga pamantayan at parametro na ginamit ng TWG sa kanilang pagpapasiya,” sabi ni Poe. “Ano ang batayan ng 30,000 na bikers cap para sa Metro Manila at 9,000 para sa Cebu, na hahatiin nang pantay-pantay sa tatlong operators? Paano ang kasalukuyan ng bikers na lagpas sa alokasyon ng kanilang kompanya?” dagdag pa niya.
Sinabi naman ni Sen. Ralph Recto na bagama’t maganda ang kompetisyon, hindi ito dapat makasagasa sa mga taong matapat na naninilibihan sa nasabing industriya.
Ayon kay Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon, magpapatawag siya ng pagdinig upang maimbestigahan ang mga isiniwalat na iregularidad. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.