MASAMANG EPEKTO NG ‘DI TAMANG PAG-INOM NG ANTIBIOTICS IBINABALA

NAGBABALA si Health Secretary Francisco Duque III sa  hindi tamang paggamit o wala sa oras na pag-inom ng antibiotics na  nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan.

Sinabi ni Duque na  lumilikha ng anti-microbial resistance at maaaring hindi na tumalab sa katawan ng tao at hayop ang pag-inom ng antibiotics nang wala sa oras.

Ginawa ni Duque ang pahayag sa katatapos lamang na 2nd Philippines AMR Summit kung saan magkakasama ang DOH, Department of Agriculture, World Health Organization, Food and Agriculture Organization at World Organization for Animal Health.

Ayon pa sa kalihim, ito ay seryosong suliranin, lalo na at nakokompromiso ang paggamot sa mga infectious disease at magpapawalang-saysay sa mga natutuklasang medisina para sa mga tao at maging sa mga hayop man.

Hindi lamang ang kalusugan ng tao ang nalalagay sa panganib kundi maging ang health security, kalakalan, ekonomiya at kalikasan dahil dito.

Hinimok ni Duque ang pamunuan ng Bureau of Animal Industry na mag-akda ng panukalang batas kaugnay sa tamang pagrereseta ng mga antibi-otic sa mga hayop.  AIMEE ANOC

Comments are closed.