(Masaya dahil naging bahagi ng ika-121 Araw ng Kalayaan) PATULOY NA ISULONG ANG DEMOKRASYA – GEN. ALBAYALDE

albayalde

CAMP CRAME – IKINAGALAK ni Philippine National Police (PNP) Chief, P/Gen. Oscar Albayalde na naging bahagi siya o panahon niya bilang hepe ng Pambansang Pulisya na naipag-diwang ang ika-121 Araw ng Kalayaan.

Sa kaniyang mensahe para sa nasabing okasyon ay ang pag­himok sa kanyang mga kabaro at maging sa sambayang Filipino na ipagpatuloy ang pagsusulong ng kalayaan na resulta ng pagpupun­yagi ng mga nakaraang opisyal ng pamalaan at pinagsakripisyuhan ng mga bayaning Filipino.

“Muli, sama-sama tayong magbigay pugay sa ating mga bayani at mga ninunong lumaban, nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay upang makamtam natin ang ating kalayaan mula sa mga dayuhang mananakop,” bahagi ng mensahe ni Albayalde kahapon.

Aniya, dahil sa pagmamahal ng mga ninuno sa bayan, ay hindi na nila pinayagan pang tumagal ang paghihirap ng ­ating mga kababayan.

“Dahil sa kanilang katapangan, hindi sila nag-atubiling harapin at labanan ang malalakas na puwersa ng mga dayuhan. At dahil sa kanilang kagitingan at pagkakaisa, nagawa nilang itaguyod ang karapatan ng bawa’t Filipino at isulong ang demokrasya,” ayon kay Albayalde.

Para sa Pambansang Pulisya, panahon na aniyang muli upang paigtingin ang ating pagkakaisa at sama-samang isulong ang ating misyon tungo sa tunay na kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng bawat lansangan at komunidad sa buong bansa.

Ang mensahe ng PNP para sa araw ng kalayaan  ay “Kalayaan 2019: Tapang ng Bayan, Malasakit sa Mamamayan.” EUNICE C.