TUWING ika-23 ng Abril, ipinagdiriwang sa buong mundo ang World Book and Copyright Day upang ipalaganap ang kahalagahan at benepisyo ng pagbabasa, at upang protektahan ang copyright o karapatang-ari ng mga gumagawa ng mga aklat.
Ang pandaigdigang aktibidad ay inoorganisa taon-taon ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO). Ang tema para sa taong ito ay “You are a Reader” (“Ikaw ay isang mababasa”).
Ang araw na ito ay ipinagdiriwang hindi lamang upang bigyang pansin ang kahalagahan ng pagbabasa, kundi pati na rin ng pagsusulat, paglilimbag, at pagsasalin. Nagbibigay-pugay rin tayo sa mga sikat na awtor o manunulat na kagaya nina William Shakespeare at Miguel de Cervantes, na kapwa namatay sa petsang ito.
Kinikilala rin natin ang kahalagahan ng gawain at papel ng mga publisher, nagtitinda ng aklat, at mga silid-aklatan—ang tatlong pangunahing sektor sa industriya ng paglilimbag.
Para sa taong ito ng 2022, ang lokal na pagdiriwang ay magaganap online ngayong araw, Lunes, ika-25 ng Abril, mula ala-1 hanggang alas-4 n.h. Ang Intellectual Property Office of the Philippines – Bureau of Copyright and Related Rights (IPOPHL-BCRR) ang siyang nag-oorganisa ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng WBCD. Ang event na ito ay ila-livestream sa Facebook page ng IPOPHL-BCRR.
Mula 1:30 hanggang 3:00 n.h. ay magkakaroon ng presentasyon ang mga malikhaing alagad ng sining na sina Kevin Eric Raymundo (a.k.a. Tarantadong Kalbo), Liza Flores, at Eugene Evasco. Mula alas-3:00 n.h., ay ipakikita sa publiko ang mga proyekto sa ilalim ng IPOPHL Copyright Plus Program, partikular ang Copyright eBook na Protect Writers’ Works para sa mga freelance writers. Pagkatapos ay magkakaroon ng paglulunsad ng isang guidebook, ang Beijing Treaty on Audiovisual Performances Guidebook.
(Itutuloy)