(Pagpapatuloy)
ENJOY ka ba sa pagbabasa?
Nakakapagtabi ka ba ng kaunting panahon sa bawat araw para rito? Kung minsan, masyado tayong busy sa ating mga gawain kaya wala na tayong panahon para dumampot ng libro at manahimik sandali sa pagbabasa.
Isa sa mga paraan upang ipagdiwang ang katatapos lamang na World Book and Copyright Day o World Book Day ay ang gumawa ng pangako sa sarili na maglalaan tayo ng kaunting panahon bawat araw para sa tahimik na pagbabasa.
Puwede pa naman tayong humabol sa selebrasyon dahil araw-araw ay dapat gawing Book Day! Tayo ay magbasa at magbahagi ng aklat o mensahe mula sa mga paborito nating libro sa ating mga kaibigan at sa ating mga contacts.
Puwede ring magbasa para sa ating mga anak o mag-donate ng mga libro sa mga aklatan. Hikayatin natin ang mga bata upang gawing habit ang pagbabasa at matutong mahalin ang mga aklat. Mahalaga kasi ito para sa kanilang pag-unlad at maaaring makatulong din para sa kanilang tagumpay sa buhay at hanapbuhay.
Ayon sa UNESCO, nakatutulong ang mga aklat at ang pagbabasa mismo sa ating pagharap sa mga pagsubok sa buhay at sa ating pag-unawa sa ating reyalidad. Makatutulong ang pagbabasa laban sa misinformation, fake news, at ‘di pagkakapantay-pantay.
Ang mga aklat ay ating mga kaibigan, at hindi lamang basta kaibigan—tinawag sila ng sikat na manunulat na si Hemingway na loyal friends, o mga kaibigang tapat. Mahalagang maunawaan natin ang tunay na kahulugan ng sinabi niyang ito sapagkat ito ay napapanahon.