(Mascot mamimigay ng chocolates, candies) ‘PARTY-LIKE’ GIMIK SA MGA BATANG BABAKUNAHAN

INIHAHANDA na ng lokal na pamahalaan ng Pasay ang party-like atmosphere para sa rollout ng baksinasyon sa lungsod ng mga bata na nasa edad 5 hanggang 11 na nakatakdang isagawa sa Pebrero 7.

Layon ng nasabing tema na parang may kasiyahang nagaganap para sa mga kabataan ay iminungkahi upang mapagaan ang kondisyon ng mga bata na matuturukan ng bakuna laban sa COVID-19.

Sentro ng atraksiyon ang mascot na mag-iikot sa vaccination sites na magbibigay ng aliw sa mga bata habang namamahagi ng chocolate chips at lollipops.

Ang mga pre-re­gistered na bata at may comorbidities ay makatatanggap ng bakuna sa Pasay City General Hospital (PCGH) habang ang mga nakapagparehistrong walang comorbidities ay mababakunahan sa SM MOA Giga vaccination site at Padre Zamora Ele­mentary School (PZES).

Nauna nang nagsagawa ng town hall meeting nitong Pebrero 1 na dinaluhan ng mga tauhan ng Department of Education (DepEd), opis­yales ng barangay at mga magulang upang malaman ang iba pang mga detalye sa iskedyul ng baksinasyon ng mga bata na nasa ilalim ng nabanggit na age group.

Sa naturang town hall meeting ay nailahad sa mga magulang ang pagbibigay ng importansiya sa pagpaparehistro upang mapagkalooban ng bakuna ang kanilang mga anak laban sa virus.

Nakipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa ilang mababang paaralan sa lungsod upang magamit bilang karagdagang vaccination sites sa mga bata. MARIVIC FERNANDEZ