KAPAG kompleto ang pamilya, wala tayong ibang hinahangad kundi ang makapaghanda ng bago at masarap na pagkaing kagigiliwan ng mahal natin sa buhay. Lagi’t lagi nga naman nating iniisip ang kanilang kaligayahan kaya’t naghahanda tayo ng mg putaheng bago sa kanilang paningin ngunit magpapangiti sa kanilang mga labi.
Kung tutuusin, napakahirap din ang maya’t mayang pag-iisip ng espesyal na putahe para sa pamilya. Karugtong kasi ng salitang ‘espesyal’ ay ang pagiging mahal din ng mga sangkap na kakailanganin sa pagluluto.
At dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng mga bilihin, kadalasan ay naisasaalang-alang natin ang putahe o pagkaing inihahanda natin sa ating pamilya. Kung minsan din, kung ano na lang iyong mura at madali, iyon na lang ang iniluluto natin. Nangyayari ring paulit-ulit na lang ang ating inihahanda na nagiging dahilan para magsawa ang ating pamilya at mawalan ng ganang kumain.
Pero hindi naman kailangang maging sagabal sa pag-iisip ng espesyal na putahe ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin. Maraming paraan ang puwede nating gawin basta’t mag-iisip lang tayo at magiging madiskarte.
Sa mga Nanay na nag-iisip ng kakaibang pagkaing ihahanda sa pamilya, isa sa puwedeng subukan ay ang Mashed Potato Casserole.
Ang mga kakailanganin sa paggawa ng Mashed Potato Casserole ay ang butter, malalaking patatas na binalatan, sour cream, cream cheese, kaunting asin, garlic powder, paminta, cheddar cheese, dried parsley at paprika.
Paraan ng pagluluto:
Ihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap. Hiwain na rin ang dapat na hiwain. Hugasan din ang kailangang hugasan.
Matapos na maihanda ang lahat ng mga kakailanganing sangkap, painitin ang oven sa 350 degrees. Lagyan na rin ng butter ang casserole dish.
Habang pinaiinit ang oven, pakuluan naman ang patatas. Lagyan ito ng asin. Kapag kumulo na, hinaan na ang apoy at hayaang kumulo sa loob ng 20 minuto.
Makalipas ang 20 minuto, patuluin na ang patatas saka durugin. Habang mina-mash ang patatas, lagyan naman ng sour cream, cream cheese, kaunting asin, garlic powder at paminta. Haluin hanggang sa maging creamy ang texture.
Kapag nahalo nang mabuti, ilagay na ito sa nakahandang casserole dish. Lagyan sa ibabaw ng cheddar cheese, parsley at paprika bago i-bake.
Simpleng-simple lang ang pagluluto nito. Sa gabi pa lang ay maaari mo na itong lutuin nang may maihanda ka kinabukasan.
Hindi naman kailangang maging bongga ang handaan o pagkaing iyong ihahanda sa pamilya. Dahil gamit ang mga simple at abot-kayang sangkap gaya na nga ng patatas, makagagawa ka na ng espesyal na dish na tiyak na kagigiliwan ng iyong pamilya.
Kaya ano pang hinihintay ninyo, subukan na ang pagluluto ng Mashed Potato Casserole. Puwede ka rin namang gumawa ng sarili mong bersiyon. CT SARIGUMBA
Comments are closed.