MASIGLA AT MAKULAY NA MUNDO NG SINING AT KULTURA

MAPAPANSING ma­sayang umiikot ang enerhiya ng paglikha sa ating bansa, kabilang dito sa Metro Manila.

Sa huling linggo ng Museums and Galleries Month, marami pa ring mga art exhibit sa iba’t ibang dako ng Pilipinas ang kasalukuyang bukas sa publiko.

Para sa kumpletong listahan ng mga ito, mangyari po lamang na bisitahin ang Facebook page ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Ang art exhibit ng ating Pambansang Alagad ng Sining na si Kidlat Tahimik, ang “INDIO-GENIUS: 500 Taon ng Labanang Kultural (1521-2021), ay nagbukas nito lamang ika-22 ng Oktubre sa National Museum of Anthropology.

Malaki ang potensiyal ng industriya ng paglikha (creative industry) dito sa ating bansa, ngunit marami ring isyu ang dapat na tugunan.

Marahil isa ito sa mga dahilan kung bakit inorganisa ng NCCA ang ika-4 na International Conference on Cultural Statistics and Creative Economy (ICCSCE) na may temang “Culture Counts: Embracing and Forging the Philippine Creative Future”.

Gaganapin ito mula ika-25 hanggang ika-26 ng Oktubre sa Sequoia Hotel Manila Bay, Aseana City Business Park, Parañaque City, Metro Manila. Ngunit maaaring sumali nang libre sa pamamagitan ng Zoom. Magpadala ng email sa [email protected] para sa mga detalye ng pagpaparehistro.

Ipagdiriwang naman ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ang mga bata mula ika-30 ng Oktubre hanggang ika-20 ng Nobyembre sa pamamagitan ng paglulunsad ng CCP Children’s Biennale 2022: BALANGÁW, A Colorful Multi-Arts Festival For Children. Ito ay isang pisikal o onsite na pagdiriwang na magtatampok ng mga interactive art installation, pagpapalabas ng mga educational film at play, mga workshop, children’s book fair, at puppet show sa ilalim ng mga temang Kultura, Kalikasan, at Kalinga.

Para sa kumpletong listahan ng mga kaganapan at aktibidad, bumisita lamang sa website o Facebook page ng CCP.