DUDA si Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Subcommittee on Constitutional Amendments and Revision of Codes. na tanging ang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas ang sagot sa mga suliraning pang-ekonomiya ng bansa.
Pinasimulan nitong Lunes ang unang pagdinig sa Resolution of Both Houses (RBH) 6 na naglalayong amyendahan ang restrictive economic provisions ng Konstitusyon. Ito ay para mas maging bukas umano ang ekonomiya sa foreign investment.
Gayunman, sinabi ni Angara na hindi naman ito garantisadong gagawa ng milagro para mapalakas ang ekonomiya ng Pilipinas.
“Hindi ibig sabihin na hindi makakatulong ang Cha-cha, kaya mas mainam siguro kung makita natin ang lahat ng posibilidad ukol dito,” anang senador.
“Hindi kasi ura-urada na pag naamyendahan na natin ang ating Konstitusyon, bigla-bigla ring kakatok agad sa pinto natin ang mga dayuhang negosyante,” dagdag pa ni Angara.
Aniya, marami pa rin ang hadlang tulad ng red tape at ang kalidad ng ating imprastraktura.
Nauna rito, nilinaw at binigyang-diin ni Angara na ang naganap na pagdinig ay nakasentro lamang sa pag-amyenda sa ilang economic provisions at hindi para amendahan ang term limits ng mga halal na opisyal.
Nilalaman ng RBH 6 ang tatlong identified provisions ng Konstitusyon na dapat amyendahan para mas maging madali sa foreign investors na mamuhunan sa Pilipinas – ang public services, education at ang advertising.
Sa kabila nito, nilinaw rin ni Angara na ang RA 11659 na nag-amyenda sa Public Services Act na pinagtibay ni dating Pangulong Duterte ay isa ring solusyon sa mga sumasagabal sa public services na siyang pinupuntirya ng Cha-cha proponents.
Kaugnay naman sa edukasyon, sinabi ni Angara na bagaman maraming magagandang punto na pumapabor sa pag-amyenda nito, ang proposed amendments ay nakatutok lamang sa higher tertiary education at tila nabalewala ang basic education. “Hindi kasali ang basic education sa mga bubuksan, sa mga magandang kadahilanan na ipiprisinta,” paliwanag ng senador.
“Marami na tayong mga batas na lalong binuksan ang ating ekonomiya. Sapat na ba ang mga ito? Ang pagbabago ba ng Saligang Batas ang nag-iisang solusyon. Anumang suhestiyon na naglalayong amyendahan ito ay kailangang dumaan sa masusing pag-aaral,” pagbibigay-diin pa ni Angara.
“Gagawin natin ito sa tamang paraan: pag-uusapan, pagdedebatehan, hindi ‘yung basta lamang pipirmahan,” sabi pa ng senador.
VICKY CERVALES