PINAG-AARALAN na ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibleng pagdaraos ng mass testing sa iba’t-ibang bilangguan sa bansa sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito’y matapos na tumaas ang bilang ng mga Persons Deprived of Liberty (PDL) na nagpositibo na sa virus, kabilang ang Correctional Institute for Women (CIW), National Bilibid Prison (NBP), Quezon City Jail, Cebu City Jail at iba pa.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil sa naturang plano.
Nakipag-usap na rin umano ang
Department of Justice (DOJ) sa DOH kaugnay sa health protocols para sa pagpapalaya ng mga inmate na “vulnerable” o at-risk gaya ng mga nakatatanda, may karamdaman, buntis at iba pa.
Nabatid na isasailalim muna sa COVID-19 test ang mga inmate bago sila palabasin sa bilangguan.
Kung ang preso ay magpopositibo sa virus, magkakaroon muna ng contact tracing at ia-isolate ang mga ito hanggang sa tuluyang gumaling.
Ayon kay Vergeire, ang pagsasailalim sa COVID-test sa mga inmate ang isa sa protocol bago sila palabasin ng bilangguan.
Bukod naman sa mga PDLs, kasama rin sa mga susuriin laban sa karamdaman ay ang mga jail guard. ANA ROSARIO HERNANDEZ