MASSACRE SA QUEZON: INA, KAPATID, KAPITBAHAY PINATAY

catanauan

QUEZON- WALANG awang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng 18-anyos ang kanyang ina, kapatid na babae, kapitbahay na dalagita at kritikal naman ang isang lola sa Barangay Madulao, Catanauan sa nasabing lalawigan.

Sa report ni Quezon PNP provincial director Col. Joel Villanueva kay BGen. Antonio Yarra, Calabarzon police director, kinilala ang mga nasawi na sina Rosita Villena Lazo, 54-anyos; Rose Ann Villena Lazo,16-anyos; Kenesha Arela Donna Alleza,14-anyos at nasa kritikal na kondisyon si Loteta Detabo Donna, 68-anyos na nagtamo ng mga saksak sa ibat-ibang parte ng katawan.

Kinilala naman ng mga pulis ang suspek na si Rey Jun Lazo, binate, walang trabaho na kilalang lasinggero sa natu­rang barangay.

Base sa ginawang imbestigasyon ni Sgt. Michael Adao, Cata­nauan investigation chief, dakong alas-2:30 ng madaling araw nang umuwing lasing ang suspek at pinasok ang bahay ng mag-lolang Donna at biglang sinaksak ang noo’y natutulog na at apo nito.

Bagaman sugatan nakalabas umano ng bahay ang dalagita at agad na nakahingi ng tulong sa ina ng suspek.

Nang komprontahin ng ina ang lasing na lasing na anak ay inundayan din ito ng saksak kung saan idinamay pa nito ang sariling kapatid na nagtangkang umawat sa pagwawala nito.

Ayon sa pulisya pare-parehong bina­wian ng buhay ang mga biktima sa dami ng tinamong saksak sa katawan.

Agad naman naisugod sa ospital ang senior citizen na kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon

Agad naman na nahuli ang suspek at ina­min nito ang nagawang krimen na kinasuhan ng parricide, homicide at frustrated murder. ARMAN CAMBE