MASSIVE TAX CAMPAIGN NG BIR

INAASAHANG magbibigay ng positibong epekto ang mga isinasagawang kampanya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagpapataas ng koleksiyon ng buwis sa bansa sa kagustuhan ni BIR Commissioner Romeo Lumagui, Jr. na makuha ang inaasam na tax collection goal bago matapos ang taong ito na isa sa mga pangako niya kay Presidente Ferdinand Marcos, Jr.  

Kasama sa mga kampanyang ito ang tax mapping, Oplan Kandado, at laban sa paggamit ng pekeng resibo at sales invoices mula sa malalaking korporasyon hanggang sa maliliit na negosyante.

Ang BIR ay naglunsad ng 2023 National Tax Campaign Kick-Off upang hikayatin ang publiko na magbayad ng tamang buwis at magsumite ng kanilang tax returns sa tamang panahon.

Ayon kay Commissioner Lumagui, ang target na koleksiyon ng buwis ay P2.6 trilyon para sa taong ito, na mas mataas kaysa sa P2.1 trilyon noong nakaraang taxable year. Kaagapay ni Commissioner Lumagui na matamo ang tax collection goal sina Metro Manila BIR Regional Directors Edgar Tolentino (South NCR), Dante Aninag (Makati City), Albino Galanza (East NCR), Gerry Dumayas (Caloocan City), Renato Molina (City of Manila) at Bobby Mailig (Quezon City) na pawang naka-goal mula Enero hanggang Agosto ngayong taon.

Sa kabila nito, hindi pa rin nakasisiguro ang BIR na magiging epektibo ang kanilang kampanya dahil marami pa ring hindi nakapagbabayad ng tamang buwis, kung kaya patuloy pa rin nilang pinalalakas ang kanilang kooperasyon sa publiko upang masiguro na lahat ay susunod sa batas na magbayad ng tamang buwis.

Ang hindi magbabayad ng tamang buwis o magpapatuloy sa pandaraya ay mahaharap sa mga sumusunod na penalties:

1. Surcharge. Ito ay penalty na katumbas ng 25% ng halaga ng buwis na hindi nabayaran at ipinapataw ito sa mga sumusunod: hindi pag-submit ng tax returns at ‘di pagbabayad sa takdang araw, ‘di pagbabayad ng deficiency tax (batay sa notice of assessment), ’di pagbabayad ng kabuuan sa tax returns.

2. Interest: Ito ay penalty na katumbas ng 20% kada taon sa hindi binayarang buwis.

3. Compromise: Ito ay penalty na ipinapataw kapag hindi nakapagbayad ng tamang buwis, hindi nagsumite ng tamang impormasyon o hindi nagbayad ng tamang withholding tax. Ang penalty nito ay katumbas ng ‘di bababa sa P10,000 at ‘di hihigit sa P20,000 at may kasamang parusang pagkakakulong hannggang tatlong taon.

Kung nais malaman ng tax-paying public kung tama ang kanyang binayarang buwis, bukas ang mga opisina ng Revenue District Officers (RDOs) para sumagot sa anumang katanungan at maaari ring personal na i-verify ang status of payments sa pakikipag-ugnayan sa mga group supervisor o examiner na inatasang makipag-coordinate sa mga taxpayer na inisyuhan ng Letters of Authority (LOAs).

Maaari ring mag-access ang sinuman gamit ang eBIRForms System ng kawanihan.

Sa pamamagitan nito, maaari ring mag-download ng tax returns.

Ang iba pang mga requirements ay ang mga sumusunod: Tax Identification Number, Tax Forms, petsa ng tax deadline, Payment Channels, at resibo na galing mismo sa BIR.

Ngayong fiscal year, ang collection goal ng BIR ay P2,639 trilyon habang sa susunod na taxable year ay umaabot naman sa P3.44 trilyon.

Para mas mapaghandaan ng BIR na makokolekta nila ang bagong tax goal, sinabi ni Commissioner Lumagui na ipagpapatuloy nila ang pagpapalakas ng kanilang kooperasyon sa publiko upang masiguro na lahat ay susunod sa batas at kabilang sa kanilang ipatutupad ay ang makabagong digitalization initiatives upang mapabuti ang kanilang tax administration at higit na mapataas ang tax collections ng kawanihan.