MASTER PLAN SA TOTAL ELECTRIFICATION PROGRAM ‘DI PA NAISUSUMITE

DOE-3

HINDI  pa rin naisusumite ng Department of Energy ang kanilang master plan para sa total electrification program na ikinairita ng mga senador.

Dahil dito ay  nais ni Senate Committee on Energy Chairman Win Gatchalian na magpaliwanag si  Energy Secretary Alfonso Cusi  kaugnay sa  programa sa susunod na pagdinig ng komite.

Sa ginanap na pagdinig kahapon ay tinanong ni  Senadora Imee Marcos  si DOE Director for Electric Power Industry Management Bureau Mario Marasigan kung naisumite na nila ang master plan sa komite para sa total electrification program sa bansa at dito natuklasan na nakabinbin pa rin ang naturang programa.

Ipinaliwanag ni Ma­rasigan na hindi pa rin nila nakukuha ang ilang impormasyon at detalye sa mga kooperatiba dahil hindi nakikipag-coordinate ang mga ito sa DOE.

Nadismaya si Marcos dahil nasa kalagitnaan na ang kasalukuyang gobyerno at matatapos na ang termino ng Duterte administration sa 2022, subalit, hindi pa rin ito naasikaso ng  kagawaran. VICKY CERVALES