MASTERMIND, MOTIBO SA LAPID SLAY HINIHIMAY

PATULOY na kinakalkal ng Lapid Special Investigation Task Group ang kakikilanlan ng sinasabing mastermind at motibo nito para ipalikida si Percy “Lapid” Mabasa ang hard hitting radio commentator.

Aminado ang mga awtoridad na sa gitna ng pagsuko ng alleged gunman na kinilalang si Joel Escorial ay hindi pa rin nila ganap na matukoy kung ano ang tunay na motibo sa pagpaslang kay Lapid.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, gumugulong pa ang imbestigasyon ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at ng Special Investigation Task Group Lapid.

Ani Abalos, lubhang maaga para magbigay ng konklusyon hinggil sa tunay na motibo sa pamamaslang sa beteranong mamamahayag dahil kinakailangang evidence based umano ang lahat.

Kaya patuloy nilang hinihimay ang sinumpaang salaysay nang sumukong gunman na si Escorial upang malaman kung sino sino ang mga taong involved.

Giit pa ni Abalos, maingat lamang ang pulisya sa paglalabas ng pahayag hangga’t hindi pa tapos ang imbestigasyon para malaman talaga kung sino ang mastermind sa krimen at ang rason sa pagtumba kay Lapid.

Samantala naniniwala ang pamunuan ng Philippine National Police na madadakip din ang iba pang sangkot sa pagpatay sa radio commentator ng DWBL nang pangalanan ni Escorial ang kanyang mga kasabwat na sina alyas Orly at ang magkapatid na sina Israel at Edmon Dimaculangan na kasalukuyan nang tinutugis ng PNP tracker teams.

Samantala sa isang panayam inihayag ni Special Investigation Task Group commander Police Col. Restituto Arcangel na patuloy ang ginagawa nilang background investigation kay Escorial dahil wala umano silang nakitang criminal record nito.

“Based on our ongoing background investigation, so far, wala siyang criminal record,” ani Arcanghel sa isang interview sa kabila ng pag amin ng suspek na napasama na siya sa ilang kahalintulad na trabaho.
Base sa salaysay nito , anim umano sila sa grupo kung saan binayarin sila ng P550,000 at ang P140,000 umano rito ay pumasok sa kanyang bank account. VERLIN RUIZ

GUNMAN ‘DI FALL GUY – DILG
NAPATUNAYAN na hindi ‘fall guy’ si Joel Escorial na umamin sa pagpatay kay Percival Mabasa na kilala rin bilang “Percy Lapid” nang tumugma ang mga nakalap na ebidensiya ng mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., tumugma ang resulta ng ballistics test at forensic evidence na nakuha ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen na ginamit ni Escorial.

“Hindi lang ito tungkol sa pagko-confess (to the crime), mahirap din yun eh ano, sinigurado natin ito, yung tinatawag na ballistics, ibig sabihin po nito yung mga nakitang slugs o yung mga bala dun sa kapaligiran,” paliwanag ni Abalos sa isang panayam.

Ang pahayag ng DILG chief ay bilang tugon sa mga pagdududa sa pag-amin ni Escorial na nangyari 15-araw lamang matapos ang pagpatay kay Lapid noong Oktubre 3.

Sinabi ni Abalos na ang kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa na isa rin mamamahayag ay sumama rin sa pulisya sa isang walkthrough sa pinangyarihan ng krimen.

“Nagre-enactment pa (of the crime), pinakita dun sa kapatid po ni Ka Percy, si Roy Mabasa at si Roy naman ay nakumbinsi at nagpasalamat sa pulisya dahil nakausap niya mismo yung tao (suspect),” giit ng kalihim.

Dahil sa takot sa kanyang personal na kaligtasan, sumuko si Escorial sa pulisya at dinala ang mga ito sa lugar kung saan niya itinago ang armas na ginamit sa pamamaslang, at ang gutay-gutay na t-shirt na suot niya nang barilin niya si Lapid.

Binigyang-diin din ni Abalos na ang sinabi ni Escorial na mula sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) ang nag-utos na patayin si Lapid ay hindi nangangahulugan na ang mga taong ito ang tunay na utak sa krimen.

“Ibig sabihin yun ang kumuntrata (from the NBP) pero baka meron pang mas mataas dun. Iyon lang po, kasi ang dami kaagad hakahaka e,” paglilinaw pa ng DILG chief. EVELYN GARCIA