NANINIWALA si Senator JV Ejercito na hindi si Alice Guo o Guo Hua Ping ang ‘most guilty’ sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
“Hindi naman sa pinapanigan ko si Alice Guo pero ako’y naniniwala na she is not the most guilty. Sa tingin ko, siya po ay isa lang pawn in a web of international criminal syndidate. Ang importante ho rito malaman talaga ang mastermind,” ani Ejercito sa isang panayam sa radyo.
“Tingin ko hindi niya kakayanin na siya mismo ang pinaka-mastermind ng lahat ng krimen na ito,” dagdag pa niya.
Para kay Ejercito, sinabi niyang ‘okay’ para sa kanya na magkaroon ng executive session kay Guo kung ibubunyag nito ang mga pangalan sa likod ng mga ilegal na POGO.
“Pero ako po kung malalaman ho natin, talagang ikakanta niya, ‘yung talagang big bosses nitong mga criminal syndicate ay siguro pwede ho nating mapagbigyan,” ayon sa mambabatas.
Noong nakaraang linggo, nasa tatlong senador ang tumanggi sa kahilingan ni Guo para sa isang executive session.
Sinabi ni Sen. Risa Hontiveros na kailangang ibigay ni Guo sa publiko ang mga katotohanan bago maaprubahan ang isang executive session.
Nakatakdang muling magkaroon ng pagdinig ang Senado sa Martes.
LIZA SORIANO