‘MASTERMIND’ SA MAYOR BOTE KILLING PINANGALANAN

Sr-Supt-Benigno-Durana-Jr

CAMP CRAME – TINUKOY na ng Philippine National Police (PNP) kung sino ang umano’y utak ng pagpaslang kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote, batay sa salaysay ng dalawang nadakip na hired killer noong isang linggo sa Del Gallego, Camarines Sur.

Sa isang panayam kay PNP-Public Information Office Chief, Sr. Supt. Benigno Durana Jr., itinuro nina Francisco Suarez at Robert Gumatay ang negosyanteng si Christian Saquilabon bilang nag-utos umano sa kanila para patayin si Bote.

Sina Suarez at Gumatay ay pawang naaresto sa checkpoint sa Brgy. Cabasag, Del Gallego, Camarines Sur noong Hulyo 11 ng umaga.

Ang pagdakip sa dalawa ay batay sa direktiba ni PNP Chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde na paigtingin ang pagtunton sa bumaril kay Bote noong Hulyo 3 sa harap ng tanggapan ng National Irrigation Authority (NIA) Cabanatuan City at batay sa closed circuit television (CCTV) ng magkakasunod na barangay,  at bayan  hanggang  masundan ang killer na naka-all black at lulan ng motorsiklo na nakarating hanggang Bicol.

Sinasabing malaki rin ang naging tulong ng PNP-Highway Patrol Group sa pagdakip kina Suarez at Gumatay dahil nasundan ang kilos ng mga ito.

Magugunitang ang direktor ng Police Region 5 ay si Chief Supt. Arnel Escobal na dating pinuno ng PNP-HPG.

Samantala, sinabi ni Durana na lalong lumalakas ang motibo ng pagpaslang kay Bote ay usapin sa negosyo lalo na’t nasa construction din si Saquilabon.

Paglilinaw naman ni Durana na may surrender feeler na rin ang umano’y suspek kasunod ng pagkadakip kina Suarez at Gumatay lalo na’t inanunsiyo ni Albayalde na alam na nila ang mastermind. EUNICE C.

Comments are closed.