MASTERMIND SA PAG-AMBUS KAY GOV. ADIONG UTAS SA LAW ENFORCEMENT OPS

LANAO DEL SUR- DEAD on the spot ang sinasabing mastermind pag-ambus kay Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. sa ikinasang joint law enforcement operation ng militar at pulis na ikinasugat ng isang sundalo at barangay chairman sa Maguing sa lalawigang ito.

Ayon kay PNP -Criminal Investigation and Detection Group Director Police Major General Romeo Caramat, ikinasa ng kanilang mga tauhan ang isang law enforcement operation katuwang ang Philippine Army laban kay Oscar “Tamar” Capal Gandawali sa pinagtataguan nito sa brgy. Pilimoknan, Maguing, Lanao del Sur.

Subalit, bago pa nila maisilbi ang dalang warrant of arrest ay bigla nitong paputukan ang mga operatiba na ikinasugat ng isang sundalo at Punong Barangay ng Brgy. Pilimoknan na si Gamon Manonggiring.

Kaya napilitang gumanti ang mga operatiba at nagkaroon ng maikling palitan ng putok na ikinamatay ng kanilang target.

Si Gandawali ay nahaharap sa seven counts ng murder at at dalawang bilang ng bigong pagpatay.

Siya ang sinasabing utak sa pananambang kay Adiong.

Samantalang unang nadakip ng mga pulis ang tatlo mga kasamahan nito nitong Marso habang patay naman sa hot pursuit operation ang isa pang suspek sa ambus na si alyas “Otin”.

Si Gov Adiong ay tinambangan noong Pebrero 17 sa Kalilangan Bukidnon na ikinasugat nito at isang kasamahan habang patay naman ang apat nitong security kabilang ang tatlong pulis.

Ibinunyag din ng PNP official na ang naturang suspek din ang mastermind sa ambush na ikinamatay ng limang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Kapai, Lanao del Sur noong Oktubre, 2018.

Narekober mula sa safe house ng suspek ang mga baril, mga iba’t ibang bala ng baril at mga iligal na droga at shabu paraphernalia. VERLIN RUIZ