KAILANGANG masusing pag-aralan ang planong pagpapataw ng mas mataas na buwis sa luxury goods, ayon sa isa sa pinakamalaking business groups sa bansa.
Sinabi ni Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) President George Barcelon na ang planong dagdag-buwis sa luxury goods ay maaaring makaapekto sa retail segment, gayundin sa turismo.
Nauna nang sinabi ng tax policy body ng Kamara na pinag-aaralan nitong itaas ang buwis sa mga alahas, pabango, at yate sa 25 percent mula 20 percent, gayundin ang palawakin ang listahan ng non-essential items.
Pagbibigay-diin ni Barcelon, kapag tumaas ang presyo ng luxury items, maaaring lumaganap ang smuggling at counterfeiting ng naturang mga produkto.
Aniya, dahil sa pagtataas ng buwis ay may tendensiyang ipasok ang nasabing mga produkto sa pamamagitan ng irregular channel kung saan lalong mawawalan ng lehitimong kita ang gobyerno.