(ni KAT MONDRESS)
SA PANAHON ngayon, usong-uso ang mga instant na pagkain at hindi natin namamalayan na ito pala ay may masasamang dulot sa ating kalusugan. Payo ng ating mga eksperto, bawasan ang pagkain na mayroong pre-servatives dahil nakasasama talaga ito sa katawan lalo na sa may mga sakit sa puso.
Marami ring kabataan ang nahihilig sa junkfood. Ayon sa medicmagic.net, ang pagkain ng junk food ay nakapagpapababa ng I.Q. Kaya naman, iwasan ang pagpapakain sa mga anak ng junk food. Mas mainam pa rin na ipaghanda niyo ang inyong mga anak ng mga ulam at baon na masustansiya at nakatutulong sa paglaki ng inyong mga anak. Dahil kapag sila ay napalapit at nasanay sa mga pagkaing ito, tiyak ay maaapektuhan ang kanilang pag-aaral.
Huwag na huwag kalimutan na tingnan ang bawat label ng mga pagkaing bibilhin, o hindi naman kaya ay alamin ang mga masustansiyang sangkap kapag gusto mo namang ipagluto ang inyong mga anak. Dapat nandoon pa rin sina GO, GROW at GLOW foods na kanilang magiging gabay upang katawan ay lalong sumigla, pampatibay ng buto, pampalinaw ng mga mata, tamang pagdaloy ng dugo at pampatalino sa mga bata.
Narito ang ilang mga pagkaing puwedeng ihanda o ipabaon sa bagets:
CRUNCHY SUPER KID’S PEANUT BUTTER AND BANANA SANDWICH
Ang peanut butter at saging ang isa sa kinahihiligan ng mga bata. Kaya tamang-tama itong ipalaman sa tinapay.
Ang mga kakailanganing sangkap sa paggawa ng Crunchy Super Kid’s Peanut Butter and Banana sandwich ay ang:
8 slices ng raisins bread
1/4 baso ng pinalambot na butter
1/2 baso ng peanut butter
1 hinating saging
2 kutsarang honey
1/4 baso ng granola
Simple lang ang paggawa nito. Matapos na maihanda ang lahat ng kakailanganing sangkap ay lagyan lang ng palamang butter ang isang bahagi ng raisin bread. Lagyan din ng hinating saging at honey ang itaas nitong raisin bread na may butter.
Gawin din ito sa mga natirang tinapay.
Ganoon lang kasimple, may pang meryenda na o pambaon ang iyong anak.
SIMPLE SNACK MIX
Isa pa sa napakadaling ihanda ay ang snack mix. Kumbaga, paghahalo-haluin mo lang ang lahat ng dried fruits, nuts, crackers at pretzels na paborito ng iyong anak, at may instant snack mix ka nang maaaring ipabaon sa kanya.
Madali lamang itong gawin lalo pa’t hindi mo na kailangang magluto. Kaya naman, alamin na ang paboritong snack ng iyong anak na healthy at pag-samahin ito sa isang lalagyan.
NO BAKE OATMEAL BALLS
Marami sa atin ang abala at walang panahong mag-bake. Pero kahit na walang panahong mag-bake, mayroon pa rin tayong maihahanda at maipaba-baon sa ating mga anak na paniguradong magugustuhan nila, ang No Bake Oatmeal Balls.
Kailangan nga naman ng anak ng extra energy sa school kaya’t dapat ay nakapagbibigay ng lakas ang ihahanda o ipababaon natin sa kanila, gaya na nga lang ng No Bake Oatmeal Balls.
Simple lang din ang paggawa nito, pagsamahin lang ang oats, honey, vanilla at peanut butter sa isang malaking bowl. Ang mga sangkap na ka-kailanganin ay depende sa kung gaano karami ang nais gawin. Haluing mabuti ang mga sangkap.
Kapag nahalo na itong mabuti ay simulan na ang pag-roll. Ang laki rin ng gagawin ay depende sa nais mo o magugustuhan ng iyong anak. Para ma-gawa ang oatmeal ball, gumamit ng water or milk sa pagbilog nito.
Kapag nabilog na ang lahat ng mixture ay ilagay na ito sa isang lalagyan o container. Hayaan ding nakalagay sa fridge sa loob ng 30 minutes nang mabuo ito at hindi magkahiwa-hiwalay.
Ganoon lang kasimple at mayroon ka ng oatmeal balls.
Hindi kailangang gumastos ng malaki o gumugol ng mahabang oras sa pagluluto upang makapaghanda ng masustansiya at masarap sa mga tsikiting.
Dahil ang mga ibinigay naming halimbawa ay ilan lamang sa puwede ninyong gawin nang walang kahira-hirap ngunit siguradong magugustuhan ito ng mga bata.
(photos mula sa pinterest.com, fooducateat.co at julieseatsandtreats.com)
Comments are closed.