MASUSTANSIYANG MERIENDA SA BUONG PAMILYA

Masustansya

HINDI sapat sa atin ang agahan, tangha­lian at hapunan. Kailangang sa pagitan ng meals ay mayroon tayong merienda. Nakasanayan na nga naman nating maya’t maya ang pagkain lalo na kung napakarami nating ginagawa.

Pero hindi lahat ng merienda ay puwede na­ting lantakan. Dapat ay maging maingat pa rin tayo sa ating kakainin nang mapanatili nating malusog at malakas ang pangangatawan. Sa ganitong mga panahon pa naman, nagkalat ang sakit sa paligid. At upang hindi tayo basta-basta tamaan ng mga samu’t saring sakit, mahalagang napananatili nating malinis ang kabuuan at malusog ang pangangatawan.

Kaya naman, narito ang ilan sa mga masusustansiyang merienda na swak sa buong pamilya:

HARD-BOILED EGG

Isa sa napakadaling lutuin at swak sa budget ang itlog. Kaya naman, hindi ito Boiled eggnawawala sa ­ating listahan ng mga pagkain o pang-merienda na masustansiya.

Kaya naman, kung walang maisip na ipabaon sa mahal sa buhay o nag-iisip ng masustansiyang merienda para sa buong pamilya, subukan na ang hard-boiled egg. Napakadali lang nitong lutuin, madali lang ding dalhin at sobrang dali lang ding kainin. Kaya saan ka man tutungo, puwede mo itong baunin at kainin.

Ang kagandahan sa hard-boiled eggs ay low calorie ito. Mayaman din ito sa high-quality protein at mayaman sa B vitamins, zinc at calcium. Mayroon din itong antioxidants gaya ng choline, lutein at zeaxanthin.

TOMATO WITH TUNA STUFFED

Kung masyado namang plain para sa iyo ang hard-boiled egg at naghahanap ka ngTOMATO WITH TUNA STUFFED kakaiba, swak naman subukan ang Tomato with Tuna Stuffed.

Simple lang itong gawin. Una ay kailangan mo lang gumawa ng Tuna Spread. Kapag natimplahan na ang Tuna spread, kumuha na ng malalaking kamatis. Tanggalin lang ang ibabaw na bahagi ng kamatis. Pagkatapos ay tanggalin ang buto ng kamatis saka ilagay roon ang ginawang tuna spread.

Napakasarap nito at simple lang ding gawin. Paniguradong maiibigan ito ng buong pamilya.

Mayaman naman sa lycopene ang kamatis. Nakatutulong din ang kamatis upang maiwasan ang heart disease at cancer.

Heart friendly naman ang tuna. Nakapagpapababa rin ito ng blood pressure, nakapagpapaganda ng immune system, nakapagpapababa ng timbang, nakapagpapatibay ng buto at nakapagpapaganda rin ito ng skin. Higit sa lahat, nakapagbibigay ng energy ang tuna.

MIXED NUTS

Kung ikaw naman ang tipong tamad mag­luto, swak naman sa inyo ang mixed nuts. Isa nga naman ang nuts na masarap pang merienda, sa tahanan man o opisina. Hindi rin nawawala ang mixed nuts kapag may kasiyahan.

Healthy nga naman kasi ang mixed nuts. Nakapagbibigay rin ito ng energy.

Kaya kung naghaha­nap ng makukutkot, swak ang mixed nuts.

Good source rin ng fat, fiber at protein ang nuts. Karamihan din sa nuts ay monounsaturated fat. Mayroon din itong taglay na omega-6 at omega-3 polyunsaturated fat. Naglalaman din ng magnesium at vitamin E ang mixed nuts.

CELERY WITH PEANUT BUTTER SPREAD

Swak na swak din namang pagsaluhan ng buong pamilya ang Celery with Peanut Butter Spread. Simple lang itong ihanda at walang kahirap-hirap. Ang kakailanganin lang ay ang stalk ng celery. Linisin itong mabuti. Kapag malinis na ang stalk ng celery ay hiwain na ito sa nais na haba. Pagkatapos ay ilagay sa isang lalagyan at samahan ng peanut butter. Puwede rin namang bawat stalk ng celery ay lalagyan ng peanut butter.

Napaka-crispy ng ga­nitong merienda at healthy pa.

Ang celery naman ay mayaman sa vitamins at minerals. Mayroon din itong vitamin A, K at C, potassium at folate.

Mayaman naman sa potassium, fiber, healthy fats at magnesium ang peanut butter.

Masarap nga naman ang kumain. Napakahilig din nating mga Pinoy sa merienda. Kaya naman, subukan na ang mga ibinahagi naming merienda na bu-kod sa masarap, masustansiya pa. CT SARIGUMBA

Comments are closed.