MATAAS ANG SURVEY RATING NI PBBM AT REORGANISASYON SA PCO

DAHAN-DAHAN nang nagkakaroon ng resulta ang foreign trips ni Pang. Ferdinand Marcos, Jr.

Siyempre, krusyal dito ang mga nilagdaang kasunduan. Hindi naman kapirasong papel lang ang mga ito na babalewalain ng mga pumirma rito.

Kamakailan, nakipagpulong si PBBM sa mga opisyal ng Department of Trade and Industry at Office of Office of the Presidential Assistant on Investment and Economic Affairs.

Dito’y inilatag nila na gumagalaw na pala ang ilang investment pledges.

Sinasabing hinihimay na raw ang mga detalye ng lahat ng memorandum of agreements at letters of intent na pinirmahan sa iba’t ibang bansa.

Ilan sa mga tinukoy na kasunduan na nagkakaroon na raw ng bunga ay ang mga nilagdaan sa Indonesia at Singapore.

Malamang nga raw ay masimulan na sa mga susunod na ilang linggo ang inagurasyon ng mga hindi binanggit na proyekto.

Mahigit isandaang deals daw pala na nagkakahalaga ng P3.48 trilyon ang nalikom mula mga biyahe ni Pangulong Marcos sa labas ng bansa.

Talagang nakikita at nararamdaman ng mga tao ang mga ginagawa ni PBBM, patunay dito ang natanggap niyang “very good” net satisfaction rating sa latest Social Weather Stations (SWS) survey.

Ipinakita rito na 75% ng mga adult Filipino ay satisfied, 18% ang undecided at 7% ang dissatisfied sa performance ng Presidente. Nakapako sa ‘very good’ ang +68 net satisfaction rating ng Chief Executive na kung susuriin ay mas mataas kumpara sa +63 na naitala noong Oktubre ng nakaraang taon.

Samantala, kasado na ang reorganisasyon sa Presidential Communications Office (PCO).

Balita ko, may mga natanggal at may mga nadagdag din naman. Pinangunahan nga ni PBBM ang panunumpa ng mga bagong opisyal ng PCO.

Sabi ni PCO Sec. Cheloy Valecaria-Garafil, bahagi pa rin ito ng reorganisasyon sa kanilang tanggapan. Aba’y mahuhusay at maaasahan ang mga bagong opisyal na ito.

Kabilang sa mga nanumpa sa tungkulin sina Honey Rose Mercado, Undersecretary for Traditional Media and External Affairs; Franz Gerard Imperial, Undersecretary for Broadcast Production; Gerald Baria, Undersecretary for Content Production at Patricia Anne Magistrado, Assistant Secretary for External Affairs, gayundin ang mga direktor na sina Ma. Rhona Ysabel Daoang (Traditional Media), Marvin Antonio (Digital Media) at Lois Erika Mendoza (Content).

Sa ilalim ni Sec. Garafil, tiyak na gaganda pa lalo ang operasyon at pamamahala niya sa ahensiya.
Mabuhay po kayo, bossing at God bless!